4 dakip sa overpriced alcohol

DI bababa sa apat katao na ang nadakip para sa pagbebenta ng overpriced na rubbing alcohol sa gitna ng patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Kabilang sa mga nadakip sina Jeffrey Zapanta, isang stockman, and Albert Mandap, isang bartender, ayon kay National Police spokesman Brig. Gen. Bernard Banac.

Nadakip ang dalawa sa entrapment na isinagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at Department of Trade and Industry sa Sangandaan, Caloocan City, nitong Huwebes.

Nagbebenta ang dalawa “online” ng 500mL ethyl alcohol sa halagang P140, kahit na ang price ceiling para dito ay P61 hanggang P74.25 lamang, ani Banac.

Nakumpiska sa kanila ang 83 bote ng 500mL alcohol, pati ang 48 bote ng 1L alcohol na kanilang ibinebenta sa halagang P250 kada isa.

Dinampot naman si Evangeline Endozo, saleslady ng isang medical supplies store, nang mahuling nagbebenta ng overpriced ding 60mL alcohol sa Bambang, Sta. Cruz, Manila.

Nakumpiska sa pinagtatrabahuhan niyang tindahan ang 1,380 magkakaibang sukat na bote ng alcohol.

Sa Dipolog City, Zamboanga del Norte, nadakip si Mark Anthony Miguel Morgia, 34, para din sa pagbebenta ng overpriced na alcohol sa Purok Green Leaves, Brgy. Sta. Filomena.

Nakumpiska sa kanya ang 42 bote ng 150mL alcohol na ibinebenta niya sa halagang P200 kada isa, at ang marked money, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.

Read more...