MARAMI na ang nagdududa na mababawi pa ni Manny Pacquiao ang dati niyang estado sa mundo ng professional boxing.
Sa dalawang laban kasi niya noong isang taon ay dalawang beses din siyang natalo.
Bagaman, may bahid na kontrobersiya ang kabiguan niya laban kay Timothy Bradley noong Hunyo 6, 2012 ay napuruhan naman siya ni Juan Manuel Marquez sa kanilang ikaapat sa sagupaan noong Disyembre 12, 2012.
Matapos ngang bumagsak si Pacquiao kay Marquez ay marami ang nagsasabi na dapat na siyang magretiro sa boxing at pagtuunan na lang niya ng pansin ang pagiging Kongresista ng Sarangani Province.
Pero hindi pa tapos ang boksing para sa kay Pacquiao. Patutunayan niyang may ibibuga pa siya at may natitira pa siyang lakas at bilis para manaig kontra sa mas batang katunggali.
Sa Nobyembre 24, makaka-sagupa ng 34-anyos na si Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) ang 27-anyos na si Brandon Rios (31-1-1, 23 KOs) sa Cotai Arena, Venetian Resort, Macau.
Pakay ni Pacquiao na makipagsabayan kay Rios at naniniwala naman ang Pinoy boxing superstar na tatapatan ng kalaban ang kanyang pagiging agresibo sa loob ng ring.
“It’s going to be a good fight because Rios, he loves to fight toe-to-toe and he loves action in the ring,” sabi ni Pacquiao sa isang interbyu.
Aminado naman si Pacquiao na hindi na siya isang bagito kaya dodoblehin aniya niya ang pagpupursige sa ensayo at paghahanda para masigurong nasa wastong pangangatawan at kundisyon siya sa araw ng laban.
“So what we have to do is to train hard and prepare a hundred percent physically and mentally. And of course we always praying to God that nobody gets hurt,” aniya.
Kung may nais patunayan si Pacquiao sa labang ito ay may sariling misyon si Rios. Nais ipakita ni Rios na handa na siya sa malalaking laban at kaya niyang biguin ang mga superstars ng boxing na tulad ni Pacquiao.
“I’ll be ready. I’ll be in 100 percent health, 100 percent mental and physically ready. So November 24, you’ll see a new superstar rise and that’s going to be me,” sabi ni Rios.
“I’m going to show the world and everybody that doubt me, everybody that talks bad about me, that say I’m a punching bag. They are going to find something out different. They’re going to see November 24, it’s going to be Brandon Rios, win.”