MABUTI na lang at hindi kinati-kati ang mga daliri ng isang kilalang female personality para ipagbanduhan sa buong mundo kung gaano siya kasuwerte sa buhay.
Sa isang panahon na nagpa-panic na ang marami nating kababayan sa pag-alala na baka dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa ating bayan ay magutom sila ay nagpalarga naman ng kanyang mga kasambahay ang babaeng personalidad para mag-panic buying.
Kuwento ng aming source, “Naku, mabuti na lang talaga at hindi niya naisipang i-post ang sangdamakmak niyang pinamiling basic goods, dahil kung hindi, e, siguradong pakakainin na naman siya ng ampalaya ng mga netizens!
“Siguradong may nagpayo sa kanya na manahimik na lang, huwag na niyang ipaglantaran pang hindi siya puwedeng magutom at kapusin, dahil madatung siya!
“Dahil kung ginawa niya ‘yun, e, lumalaklak na sana siya ngayon ng apdo! Ilang maid-of-cotton kasi niya ang inutusan ng female personality na mamili ng mga pangangailangan nila sa bahay.
“Dati na siyang hoarder, ipinakikita pa nga niya sa social media ang mga ipinabibili niya sa mga kasambahay niya, para siyang may sari-sari store sa kitchen nila!
“Takot na takot siyang kapusin, e, puwede ngang mag-grocery sa bahay niya ang mga kababayan natin!” naiinis na kuwento ng aming impormante.
Hindi na aktibo sa pag-aartista ang pamosong female personality, pero hindi niya problema ang datung, meron siyang mga sinasandalan.
Patuloy ng aming source, “At bakit naman siya kakabahan ngayon, e, para siyang may sinasandalang mga pader! Ano naman ang ginagawa ni Papa A at Papa B sa buhay niya?
“Hindi siya kakapusin, never siyang magugutom, ano ang ginagawa ng mga mahal niya sa buhay, pababayaan ba naman siyang kulangin ng mga ‘yun?
“Never! Magugutom ang buong barangay, pero saganang-sagana pa rin ang female personality na ito, never kakalam ang bituka niya!
“Ang tanong, sagana man siya sa buhay, e, maligaya ba naman siya? ‘Yun ang meron ang mga kapos sa buhay na wala siya! Sa totoo lang!” pagtatapos ng aming source na super-taas ang kilay.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, siguradong hindi na kayo mauupo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan.