Namatay na pulis-CIDG positibo sa COVID-19

ITINUTURING nang “persons under investigation” ang ilang tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Metro Manila matapos magpositibo sa 2019-Coronavirus disease ang isang operatiba, ayon kay National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Debold Sinas.

Pinalilinis din ang mga tanggapan ng CIDG-NCR at Manila Police District kung saan naglagi ang operatiba bago binawian ng buhay, sabi ni Sinas sa isang pulong-balitaan.

Nagsasagawa na rin ng “contact tracing” para matukoy ang mga kaanak at kakilala na nakasalamuha ng pulis, na may ranggong staff sergeant at nakatalaga sa CIDG-Manila, aniya.

Matatandaan na noong Sabado ng gabi ay binawian ng buhay ang naturang pulis sa isang pagamutan sa Pasay City.

Unang lumabas sa pagsusuri na “respiratory failure” ang ikinasawi ng alagad ng batas.

Napag-alaman na nakasama pa ng pulis ang kanyang misis at ilan pang kaanak nang siya’y magpabalik-balik sa Pasay at Cavite habang nagpapagamot.

Read more...