Lotto, Keno tigil bola

SINUSPINDE ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang bola ng lotto digit games, keno at Small Town Lottery na ang operasyon ay nasa Luzon.

Sa halip na magbola alas-4 ng hapon, humarap si PCSO general manager Royina Garma sa media upang ianunsyo ang suspensyon bilang tugon sa deklarasyon ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Isasailalim naman sa regular na monitoring ng PCSO ang operasyon ng STL sa Visayas at Mindanao at sususpendihin din kung kakailanganin.

Sinabi ni Garma na napagkasunduan ng board ang pagsuspendi ng bola.

Payo naman ni Garma sa mga nakataya ng maaga, hawakan ang tiket dahil bobolahin pa rin ang mga ito kapag nagbalik na ang bola.

Tiniyak naman ni Garma na kahit na wala ng bola ng lotto ng isang buwan ay makapagbibigay pa rin ito ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pasyente.

Ngayong araw inaprubahan din ng PCSO Board ang pagbibigay ng P1 bilyon sa gobyerno bilang tulong sa paglaban sa Covid-19.

Ang mga nangangailangan ng assistance ay pinayuhan ng PCSO na pumunta sa mga Malasakit Center kung saan inilalagay nila ang kanilang pondo.

“We can assure the public na event if we will suspend our games for one month masu-sustain pa rin lahat ng medical assistance program po natin,” ani Garma.

Sa Metro Manila, naglalagak ang PCSO sa Malasakit Center sa Lung Center of the Philippines (P1 milyon kada araw), Philippine Children Medical Center (P400,000/araw), Philippine General Hospital (P1.5 milyon/araw), Philippine Heart Center (P500,00/araw) Rizal Medical Center (P400,000/araw) at Taguig Pateros District Hospital (P400,000/araw).

Read more...