ARESTADO ang isang Chinese national matapos umiwas sa checkpoint, na isinasagawa ng mga pulis bilang bahagi ng quarantine laban sa 2019-Coronavirus disease (COVID-19), sa hangganan ng Quezon City at San Mateo, Rizal, Martes ng madaling-araw.
Nakilala ang nadakip bilang si Jian Pang, 33, isang technician at naninirahan sa New Manila, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office.
Naganap ang insidente sa bahagi ng San Mateo-Batasan road na sakop ng Brgy. Batasan Hills, dakong alas-2:15.
Pinara ng mga pulis noon ang isang Ford Everest (NDK-9319), pero umiwas ito at nag-counterflow sa kabilang lane, ayon sa ulat.
Tinugis ang sasakyan at nang maharang ay napag-alaman na ang driver na si Pang ay isang banyaga at wala pang driver’s license, ayon sa pulisya.
Itinurn-over na ang suspek sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police para sa karagdagang imbestigasyon.
Maaaring masampahan ang banyaga ng kasong driving without license, unauthorized counter-flow, resistance and disobedience to person in authority, at paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, ayon sa NCRPO.