Angel nanawagan sa gobyerno: Sana’y bigyan ng financial support ang Pinoy workers

NANAWAGAN si Angel Locsin at iba pang celebrities sa mga kinauukulan na mabigyan sana ng financial assistance at basic needs ang mga manggagawa na direktang apektado ng “enhanced community quarantine” sa loob ng isang buwan.

Ayon kay Angel, dapat daw mabigyan ng sapat na tulong ang mga trabahador lalo na yung mga nasa “no work, no pay” status na walang regular na kita para kahit paano’y may maipangtustos sila sa loob ng 1 buwan habang nakikipaglaban ang buong bansa sa coronavirus disease o COVID-19.

Ipinost ni Angel ang kanyang panawagan sa Instagram matapos kumalat sa social media ang mga litrato na kuha sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at Rizal province kung saan makikita ang napakahabang pila ng mga tao at motorista na papasok sa kanilang mga trabaho nang dahil sa military and police checkpoints.

Narito ang mensahe ni Angel, “Sa gitna po ng paglaganap ng CoVid19, walang sinoman na nasa matinong pag-iisip ang magnanais na lumabas sa matataong lugar para mahawa at makahawa ng sakit.

“Alam natin na importante ang social distancing at proper hygiene pero hindi po ito sasapat kung may mga kababayan tayo na kelangang maghanapbuhay bawat-araw para makakain at matustusan ang mga basic needs ng pamilya gaya ng pambayad sa renta, kuryente, tubig, at iba pa.

“Marami rin po sa kanila ay mga contractual workers, mga self-employed, maliliit na manininda na walang tiyak na kita sa araw-araw at baon sa utang.”

Pagpapatuloy pa ng aktres, “Kung matitiyak lang po sana ng ating pamahalaan na may financial support para sa kanila, hindi nila kelangang sumugal sa labas.

“Malaking bagay din kung may temporary stop on amortizations and loans o kahit pagtanggal sa interest & penalties.

“Sana rin ay magbigay ng consideration ang mga kumpanya ng basic utilities like kuryente at tubig bilang kawang-gawa sa mga mahihirap na apektado ng dislocation sa trabaho.

“And also, I hope Philhealth will shoulder treatment for those who have CoVid19,” aniya pa.

Samantala, ayon naman kay Bianca Gonzales, dapat tiyakin ng pamahalaan ang pagbibigay ng karampatang tulong sa mga maaapektuhan ng  matatamaan ng community quarantine.

 “An appeal to our government: PLEASE take care of those whose livelihood is affected by the quarantine. Secure the people for their basic needs so the people don’t panic.”

“An idea on how we ordinary citizens can help daily wagers na no work no pay…

“Dun muna tayo sa malapit sa atin: Asawa ng ka-trabaho, anak ng katiwala, kapatid ng kakilala? Maybe donate to them in cash or kind, kahit maliit, malaking bagay.”

Read more...