BANDERA Editorial
GANYAN ang kalakaran sa tuwing eleksyon. Sa simula pa lang ng kampanya ay parang habulan-taya ang laro. Pangkat-pangkat. Dalawang pangkat. Magpapakawala ng bata ang isang pangkat at hahabulin naman ng kabilang pangkat para makuha. O kundi’y lilipat na ang kabilang mga bata sa kalabang pangkat.
Tingnan mo na lang ang nangyari sa isang people power revolution. Nagpaalam si mayor kay presidente na manananghalian lang. Hindi siya mapigil ni presidente, kahit na kamaraming pagkain sa Malacanang. Nang lingunin ang palabas sa TV pagkapananghalian, nakita ni presidente si mayor na kasama na ng kalaban.
Sa isang hapunan sa Malacanang, kasama ni presidente ang kanyang loyalista at mga bagong kaalyado na pinususuweldo ng pobreng taumbayan (na naman). Nagkapit-bisig sila habang sumasalimpapaw ang awit na “…can we hold on, together…” Kay sarap pagmasdan. Nakaiinggit ang kanilang pagkakaisa. Kinabukasan, kumalas sa pangulo si loyalista at mga bagong kaalyado na pinasusuweldo ng taumbayan. Sayang ang pinasuweldo ng taumbayan dahil ang kanilang pinaglingkuran pala ang interes.
Ngayong eleksyon, nagkalat ang mga naglaglag sa isang lider noon. Ngayong kampanya, sweet na sweet sila ng kanilang inilaglag na leader noon.
Tanga nga ba ang mga politiko? Puwede. Pero ang tanga na nasa kalye, kailanman, ay di niya kukupkupin ang naglaglag sa kanya. Kawawang tanga sa kalye. Di niya maunawaan ang tangang politiko na nagpakatanga at kinupkup ang naglaglag sa kanya (na tanga rin).
At kapag nanalo ang tangang politiko, baligtaran na naman at balimbingan para sa tangang politiko; at iiwanan din ang tangang sinamahan.
Ganyan ang lagare sa politika. Doble talab. Nabubuhay ang mga sabit. Mabubuhay at magpapayaman na naman sila sa bagong administrasyon. Ganoon pa rin ang kalakaran, kaya para sa marami nang karanasan, o kundi’y beterano na ng politikang iwan-balik-iwan, tabo-pera na naman.
Habang ang mahihirap at botanteng tanga ay muli na namang makalilimutan, babalikan sa susunod na eleksyon para muling pangakuan.
Para muling gawing tanga.
BANDERA, 022410