ISANG araw, ayon sa isang impormante, ay mangangailangan na ng idiot board ang isang pamosong female personality para sa kanyang mga dialogue sa eksena.
Medyo humihina na ang kanyang memorya, mabilis na siyang makalimot, hindi na niya kinakaya ang mga dayalog na kilometriko ang haba.
Kuwento ng aming source, “Sa ginagawa pa naman niyang serye ngayon, e, napakaganda ng pagpapalitan nila ng atake ng kontrabida niya.
“Pero sumasablay na siya, nakakalimutan na niya ang mga linya niya, kaya paulit-ulit ang take ng mga eksena nila. Kailangan nang paigsiin ang mga dialogue niya, ginagawa na lang simple, para tumakbo nang maayos ang taping,” unang sultada ng aming source.
Pero kung ang kanilang direktor naman ang tatanungin ay okey lang na pasimplehan ang kanyang mga linya, bawing-bawi naman niya kasi ‘yun sa pag-arte, kaya panalo pa rin siya.
Balik-chika ng aming impormante, “’Yun naman ang maganda sa kanya. Kahit pa may mga nakakalimutan siyang lines, kapag umatake na siya ng pag-arte, e, bawing-bawi naman ang mga kakapusan niya!
“Anong dayalog pa ang kailangan sa mga mata niyang may sariling dayalog? Aanhin nga naman nila ang artistang magaling ngang magdayalog, pero kapos naman sa emosyon?
“Kaya walang problema, nagagamot naman ang mga kakulangan niya, may editing naman, kaya okey lang kay direk kung medyo makakalimutin na siya sa mga dayalog,” sabi pa ng aming source.
Maagang nagre-report sa set ang pamosong babaeng personalidad, pero OA daw naman ang kuwento na mas nauuna pa siya sa generator ng production, saktung-sakto lang ang kanyang dating.
“May cut-off kasi siya, kailangang maaga rin ang pack-up niya, kaya ang usapan, e, maaga siyang mag-uumpisa. Tumutupad naman siya!
“May mga artistang nai-intimidate sa presence niya, hindi nga naman everyday na makakasama mo ang isang tulad niya na icon na, di ba?
“Pero ang maganda, e, siya pa mismo ang naglalapit ng sarili niya sa mga kapwa niya artista, kaya nawawala ang pader, maayos ang trabaho nila,” papuri pa sa female personality ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilalang-kilala n’yo kung sino ang ate nating ito!