Tricycle bawal sa highway

SA wakas, lumabas na rin ang batas na depinidong nagsasabing bawal ang tricycle sa mga highway.
Ito ay matapos ang napakahabang panahon na naghahari ang mga ito sa lansangan kahit sila ay isang rolling death can.
Kasalanan talaga ito ng Local Government Law na nagbigay ng sobrang kapangyarihan sa mga alkalde ng mga bayan at siyudad kahit di na makatarungan.
Ang mga tricycle at ang kanilang TODA o Tricycle Drivers and Operators Association ay isa sa gatasan ng mga mayor. Anlakas maningil ng prangkisa ng mga mayor dito.
Ito ay dahil sakop ng LGU o local government unit ang pagbibigay ng rota at prangkisa sa tricycle at hindi ang LTFRB.
Ginagamit din ng mga alkalde ang mga tricycle drivers at operators na ito sa kanilang political operations lalo na kung panahon ng kampanya.
Malaki kasi ang nagagawa ng mga tricycle sa pagpapakalat ng polyetos, posters at iba pang campaign materials.
Kaya naman hindi masuheto ng mga alkalde ang mga tricycle drivers dahil baka hindi sila suportahan ng mga TODA.
Symbiotic nga ang relasyon ng mga ito. Ang isa ay nakasandal sa kabila at vice versa. Suportado ng TODA si mayor, pinababayaan ni mayor ang kalokohan ng TODA.
Kaya ang mga tricycle ay parang langgam na nakakalat sa lansangan at istorbo sa trapiko.
Sa provincial highway, palaging tukod ang trapik dahil may sinusundang mabagal na tricycle ang mga sasakyan.
Mahirap naman sila ay i-overtake dahil alanganin ang tulin nila sa kasalubong.
Tama lang na national government na ang nag-utos na alisin sila sa main highways para mabawasan ang magulo at delikadong mga behikulo sa lansangan.
Siyempre, unang aalma dito ay ang mga mayor, na nakita agad natin sa unang sigwada ng kampanya laban sa tricycle.
Ang tanong, tatagal kaya ang DILG at LTO sa pressure na ibibigay ng LGU’s sa kanila?
Tignan na lang natin.
***Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...