‘Nakakatakot magalit ang tulad ni Alden Richards!’

KAHIT gaano pa kabait si Alden Richards, kahit sobrang marespeto pa ang Pambansang Bae ayon sa ating mga kababayang nakakaengkuwentro niya, ay darating at darating pa rin ang pagkakataong mapupuno na rin siya sa mga upak na ipinatitikim sa kanya ng mga taong walang magawa sa buhay.

Sabi nga ng matatanda, may Santo Kristo ka man sa dibdib ay susukatin pa rin ang pisi ng iyong pasensiya kapag sobra-sobra na ang sakit na ipinararamdam sa iyo, bibigay ka rin isang araw.

Walang kaaway si Alden, pero maraming naiinggit sa kanyang matagumpay na buhay at career, at kapag walang basehan ang galit ay inggit lang talaga ang dahilan nu’n.

Hindi mapanita si Alden, labas-pasok lang sa magkabila niyang tenga ang mga paninira, ipinanganak siyang may kakambal na mahabang pasensiya at pang-unawa.

Pero ang tulad niya ay nakatatakot magalit, kapag isang araw ay talagang hindi na niya kayang magtimpi ay magsasalita na rin ang actor-singer para maglabas ng kanyang saloobin.

Ang mahalaga ay wala tayong naririnig o nababasang kuwento na nambastos siya ng tagahanga, palagi siyang bukas sa mga taong humihiling para makasama siya sa retrato, ‘yun ang pinakamahalaga dahil ‘yun ang nagsasalita para ipakilala ang tunay na siya.

Read more...