HUWAG na umanong humalik sa partner kung hindi maganda ang pakiramdam.
Ito ang paalala ni Iloilo Rep. Janette Garin, dating kalihim ng Department of Health, sa gitna ng patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus disease-2019 sa bansa.
“Kung ikaw ay may ubo, masakit ang lalamunan, lagnat, sipon, huwag halikan ang asawa, boyfriend o girlfriend. Huwag po tayo mahiya na sabihin na while kissing is enjoyed by some, kissing is actually dirty,” ani Garin.
Ipinayo ni Garin na dapat umiwas muna sa mga matataong lugar.
“We limit the transmission by limiting gathering in crowded places, limiting yung mga disco masyado lalo na kung naka-kulob. Kung hindi talaga mapigilan, at kailangan ng social gathering, dapat open place, lusot pasok yung hangin,” saad ng lady solon.
Sa pagdinig ng House committee on health, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na ang social distancing ang isa sa mga paraan upang maiwasan na mahawa ng COVID-19.