‘Hindi na cute ang kabastusan ni Gretchen Barretto!’

Gretchen Barretto at Tony Boy Cojuangco

Umariba na naman ang malditang dila ni Gretchen Barretto. Dinala niya hanggang sa labas ng kanyang mansiyon ang init ng kanyang ulo sa kanyang kapatid na si Claudine.

Natural, dahil pinagpipistahan ngayon ang kontrobersiya sa pagitan ng nagkakagulong mag-asawang Raymart Santiago at Claudine, kapag may nakakitang reporter kay Gretchen ay ang isyu agad na ‘yun ang itatanong sa kanya.

Alangan namang tanungin siya ng media tungkol sa ibang isyu, natural na tungkol lang sa kaaway niyang kapatid iikot ang tanungan, pero pikon na pikon si Greta.

Una niyang binuksan ang pagtatakwil diumano sa kanya ng pamilya Barretto, ang kanyang mag-ama na lang daw ang itinuturing niyang pamilya ngayon, kaya hindi na dapat siya tinatanong tungkol sa pamilya Barretto.

Pagkatapos nu’n ay tinanong uli si Gretchen ng mga nakapalibot na reporters sa kanya, ano raw ba ang hiling o prayer niya para sa nag-aaway na mag-asawang Raymart at Claudine, kung meron man?

Ang sagot ng hitad na aktres na ayaw na ayaw ng kanyang biyenang hilaw, bakit, Diyos daw ba ang kanyang mga kaharap para sabihin niya ang kanyang dasal para sa nag-aaway niyang kapatid at bayaw?

Hindi nakakaaliw ang mga birada ni Gretchen, nakakayamot ang ganu’n, dahil para siyang ibon na natungtong lang sa kalabaw ay mas naging matayog pa kesa kanyang tinungtungan!

Hindi cute ang kanyang kabastusan, lalo lang niyang idiniin ang pagiging sampid sa isang milyonaryong pamilya, lalo lang niyang binigyan ng ideya ang publiko kung bakit ayaw na ayaw sa kanya ni Doña Imelda Cojuangco.

Dapat maligo sa pulot ang aktres-aktresang ito na walang pagrespeto at pagtanaw ng utang na loob sa mga manunulat na naging bahagi rin ng kanyang tagumpay bilang artista.

Read more...