Pagratrat sa van ni Kim na-hulicam ng 2 ‘uzi’

KIM CHIU

Milyun-milyon na ang inaaning views ngayon ng Team Ramento Vlogs, ang mga kababayan nating uzi kung tawagin, usisero sila pero matinding scoop ang kanilang nakuha nang ratratin ang van ni Kim Chiu kamakailan.

Kinabog ng dalawang lalaki ang mga bihasa nang radio and TV reporters dahil sila lang ang nakakuha ng kabuuang detalye ng pagpapaulan ng bala sa sasakyan ni Kim.

Hindi nila nakunan ang aktong pagbaril sa sasakyan ng aktres, pero mula nang huminto na ang van hanggang sa magdatingan na ang mga pulis ay tutok na tutok sila, hanggang sa bumaba na ng sasakyan ang subject ng pagbaril.

Sabi ng unang lalaki, “Kundi pulitiko ang sakay ng van, e, artista siguro! Ayon, may dumating na pulang kotse na susundo siguro sa mga sakay ng van!

“Inililipat na po ang mga kagamitan nila sa pulang kotse. Teka, mukhang artista ang pasahero, kasi, may silya na pang-director, e!

“At mukhang mayaman ang artista, may brand ang paper bag na nakikita ko (Victoria Secret), may mga make-up pang dala-dala ‘yung naglilipat!

“Ayan, binubuksan na ang pintuan ng van, bababa at lalabas na ang sakay. Ayan na, lalabas na siya. Si Kim Chiu! Si Kim Chiu pala ang sakay ng pinagbabaril na van! Si Kim Chiu nga!” pasigaw na pagdedetalye ng lalaki sa kanilang nakita.

Ang Team Ramento Vlogs lang ang nakakuha ng buong detalye, hindi ‘yun nakunan ng mga TV at radio media men na huli nang nagdatingan sa kanto ng C.P. Garcia at Katipunan Avenue, mahigit na dalawang milyong views na ang inaani ngayon ng dalawang lalaki.

Ang nagagawa nga naman ng pagiging uzi! Kaswal na kaswal lang ang kanilang annotation, parang wala lang, pero may nakaabang palang scoop para sa kanila nu’ng umagang ‘yun!

Read more...