NABIKTIMA na naman ng fake news ang Pasig City patungkol sa patuloy na pagtaas ng bilang ng coronavirus disease (COVID-19) case sa Metro Manila at Rizal Province.
Mabilis na nilinaw ni Mayor Vico Sotto ang kumalat na balitang may isang pamilyang infected na raw ng COVID-19 sa Pasig City.
Sa kanyang Instagram Story, ibinandera ng alkalde ang kopya ng quote card na naglalaman ng pekeng impormasyong tungkol sa mga bagong kaso ng COVID-19.
Ang quote card ay may logo pa ng GMA News para umano’y maging kapani-paniwala ang COVID-19 update. Pero ayon kay Mayor Vico isa itong kasinungalingan.
Post ng Pasig City mayor, “ANO BA ANG NAPAPALA NG MGA GUMAGAWA NG FAKE NEWS NA GANITO?” Kasabay nito, siniguro pa ni Vico na ipinatutupad na sa lahat ng lugar sa Pasig ang “precautionary measures” para hindi na kumalat pa ang virus.
Dagdag pa ng alkalde, “PLEASE HELP SPREAD TRUTHFUL INFORMATION. KEEP CALM AND VERIFY INFO BEFORE SHARING.
“Keep calm. Maghugas ng kamay. Umiwas sa matataong lugar. Wag hawakan ang mukha. Wala munang beso-beso.
“Kung may sintomas, dumiretso sa Brgy Health Center o tumawag sa 8-643-0000,” paalala pa niya.
Kamakailan ay ibinalita rin ni Mayor Vico na kinumpirma sa kanila ng DOH na may isang hindi taga-Pasig ang may COVID-19 na naospital sa Medical City sa Pasig.
Dahil dito, siniguro rin ni Vico na lahat ng kautusan ng DOH ay kanilang ipinatutupad kabilang na ang “contact tracing, dedicated response teams, disinfecting, cancelation of all public events and gatherings, applications for permits for large events on hold.”