BANDERA Editorial
Tahimik lang ang militar. Tahimik lang ang mga opisyal nito. Nang mabulgar na butas-butas ang bota ng mga sundalo noong 1986 at suweldong taggutom ang kanilang tinatanggap, habang buhay-milyonaryo ang mga heneral ni Marcos, natuwa ang mga sundalo dahil napalitan ng mga bagong bota ang kanilang sapin sa paa at agad na nadagdagan ang kanilang suweldo (bayad-utang ni Corazon Aquino dahil kung hindi sa tumalikod at nagbaliktarang mga opisyal ng AFP ay baka di pa siya nailuklok bilang pangulong ng gobyernong rebolusyon?).
Pero, hindi ito ang ginawa at itinuring ng mga politiko sa mga sundalo, kung ang diwa ng EDSA (meron sa kanila, wala sa militar) ang titingnan. Ang diwa ng EDSA ay pagbabago at kumalas sa tanikalang pambubusabos ng diktadurya. Ang diwa ng EDSA ay upang umahon sa lusak at tumayo mula sa pagkagupilin. Ang diwa ay para umunlad mula sa matagal na pamumuno at panlulugmok ni Marcos.
Umunlad ba ang Armed Forces? Nakaahon ba sa lusak ang hukbong sandatahan? Masasabi na bang tuluyan nang nakatayo mula sa pagkagupilin ang militar?
Dama na ba ng Army ang diwa ng maraming EDSA? Natikman na ba ng Navy ang kaunlaran? Nalasap na ba ang Air Force ang kalinga at pag-aalaga ng mga politiko na habang tumatagal ay walang kapaguran sa kadadakdak at tila mas lalong lumalakas pa kapag may TV coverage ang kanilang zarzuela, tulad ng sunud-sunod at walang humpay na impeachment hearings?
Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ng militar ang tunay na EDSA. Para sa ilang retiradong opisyal, ang EDSA ay nagpalaya sa lahat ng lider-komunista. Para sa EDSA 2010, katig na naman ang mga politiko na idiin ang militar at gawing walang bahid ng kasalanan ang mga nagtataguyod sa New People’s Army.
Malayo na nga ang diwa ng EDSA sa abang sundalo. Lumalaban sa mga kaaway ng gobyerno at demokrasya nang luma at kinumpuni lamang ang mga armas. Lumalaban kahit kulang ang bala. Lumalaban kahit walang masakyang barko. Nagbubuwis ng buhay nang walang masakyang helicopter at eroplano.
Lumalaban nang walang kalaban-laban ngayong EDSA 2010.
BANDERA, 022210