PINATUNAYAN ni Eumir Felix Marcial na isa siya sa pinakmahusay na boksingero sa kanyang dibisyon matapos talunin si Byamba Erdene Otgonbaatar ng Mongolia sa loob ng tatlong rounds ng kanilang quarterfinal round match sa Asia-Oceania Olympic Qualification Tournament Linggo ng gabi sa Prince Hamzeh International Hall sa Amman, Jordan.
Pinaulanan ng 24-anyos na si Marcial ng mabibigat na left straights at right hooks sa katawan at mukha ang katunggali na nagtulak sa referee na bigyan ang Mongolian ng dalawang standing 8-counts sa ikatlong round bago tuluyang tapusin ang laban.
“Natupad na rin ang pangarap namin ng Papa ko mula nung bata pa ako,” sabi ni Marcial matapos ang laban. “ Lubos akong nagpapasalamat sa ABAP, lalo na kina chairman MVP at president Ricky Vargas, sa PSC at sa mga coaches ko especially sina coach Ronald (Chavez), coach Don (Abnett) at coach Elmer (Pamisa).”
“Apat na taon kong hinintay ito matapos na hindi ako naka-qualify nung 2016 dahil sa injury. Kaya napakatamis nito. Lalo ko pang dodoblehin ang training ko para makuha ko ang talagang target namin ng Papa ko ang ginto sa Olympics,” sabi pa ng tubong-Zamboanga City na si Marcial, na ang amang si Eulalio ang nagsilbing unang trainer niya.
Tatangkain naman ngayong Lunes ng gabi ni world featherweight champion Nesthy Petecio na sumunod kay Marcial sa pagsagupa kay Sena Irie ng Japan. Kapwa may tig-isang panalo ang dalawang boksingera sa kanilang paghaharap kung saan ang huli ay pinagwagian ni Petecio sa World Championships sa Russia nitong nakaraang Oktubre.
Samanatala, tig-isang panalo rin ang habol nina flyweight Irish Magno at lightweight Riza Pasuit para makakuha ng Olympic slot.
Mabigat naman ang kalaban ni Magno na walang iba kundi si five-time world champion Meri Kom ng India habang si Pasuit ay makakasagupa si Wu Yi-Shih of Chinese-Taipei, ang No. 3 seed sa kanilang dibisyon.
Tatangkain naman ng 21-anyos na si Carlo Paalam na makabawi kay Amit ng India sa kanilang flyweight bout para sa Olympic berth. Natalo ang tubong-Cagayan de Oro na si Paalam sa Indian boxer sa pamamagitan ng mga dikit na desisyon sa kanilang laban sa 2018 Asian Games at 2019 World Championships.