NANGYARI na nga ang pinangangambahang local transmission ng coronavirus 2019 sa bansa matapos namang kumpirmahin ito ng Department of Health (DOH) sa harap ng pagkahawa ng 62-anyos na Pinoy na walang history ng pagbiyahe sa ibang bansa.
Iniulat din ni Health Secretary Francisco Duque III ang ika-anim na kaso ng coronavirus matapos na mahawa ang 59-anyos na misis ng ikalimang kaso.
Kapwa nasa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) ang mag-asawa na taga-Cainta, Rizal.
Samantala, kinumpirma rin ni Duque na nagtatrabaho sa isang multinational finance at consultancy firm na Deloitte Philippines ang ikaapat na kaso ng COVID-19.
Mismong ang Deloitte Philippines, na nakabase sa Bonifacio Global City, Taguig City ang nagkumpirma na nagpositibo ang empleyado nila sa COVID-19.
Nauna nang sinabi ni Duque na nagbiyahe sa Japan ang pang-apat na kaso ng COVID-19.
Dahil dito, nagdeklara si Duque ng code red, sub-level 1 sa bansa.
Inaasahan naman ang pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng State of Public Health Emergency matapos naman itong irekomenda ni Duque.
Mismong si Presidential Spokesperson at Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na ang nag-anunsyo na pumayag na si Pangulong Duterte na magdeklara ng State of Public Health Emergency sa harap ng banta sa bansa ng COVID-19.
Nagdeklara na rin ng walang pasok ang lokal na pamahalaan ng Navotas City dahil sa COVID-19.
Hinihintay naman ang pagsunod ng iba’t ibang mayor sa naging suspensyon ng klase ni Navotas City Toby Tiangco sa lungsod.
Ngayong may local transmission, dapat nakapaghanda ang gobyerno para mapigilan ang pagkalat nito at maiwasan din ang mga pangyayari kaakibat ng COVID-19 kagaya ng hoarding ng mga alkohol, tisyu at hand sanitizer.
Mahigit isang buwan na ring walang mabili na face masks sa kabila naman ng pagtiyak ng pamahalaan na magkakaroon na ng suplay ng face mask sa bansa.
Palaisipan pa rin kung magagawan ng paraan ng gobyerno ang kawalan ng suplay ng face mask ngayong nakataas na ang code red.
Kung hindi naman, magtitiis ang mga tao na ituloy ang araw-araw na aktibidad ng walang face mask at sa kabila ng banta ng coronavirus.
Sa huli, dasal pa rin ang kailangan para matapos na ang pagkalat ng COVID-19.
Local transmission ng COVID-19 nagsimula na
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...