Cebu town police chief naaktuhan sa kama kasama ang drug suspect

NAAKTUHAN ang chief of police ng Argao, Cebu sa kama kasama ang isang babaeng detainee matapos namang magsagawa ng raid sa police station ang mga kapwa pulis Huwebes ng gabi.

Nahuli si Maj. Ildefonso Miranda Jr. ng mga miyembro ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) habang natutulog sa iisang kama kasama ang 23-anyos na preso na si Jean Claudia de Guzman, ayon kay IMEG director Col. Ronald Oliver Lee..

Natagpuan din ng mga operatiba ng IMEG ang isa pang babaeng detainee, na nakilala bilang Brenda Cutillar, 40, na natutulog sa loob ng opisina ni Miranda, ayon pa kay Lee.

Idinagdag ni Lee na dapat na nakakulong sina de Guzman at Cutillar sa loob ng detention cell matapos na maaresto dahil sa droga.

Ni-raid ang Argao Police Station sa Brgy. Poblacion ng mga miyembro ng IMEG, kasama ang mga pulis mula sa Central Visayas Regional Special Operations Group, Regional Investigation and Detection Management Division, at Cebu Provincial Intelligence Branch, ganap na alas-11:20 ng gabi.

Sinabi ni Lee na isinailalim sa surveillance si Miranda ng mga miyembro ng IMEG Visayas Field Unit matapos ang ulat na natutulog at nasa loob ng kanyang opisina ang mga babaeng preso.

Base sa ulat, may relasyon si Miranda, 46 at si de Guzman, kapalit ng pagtulog sa kanyang air-conditioned office.

Nagsisilbi naman si Cutillar bilang helper ni Miranda kapalit ng kanyang pananatili sa labas ng selda.

“This is a gross violation of the law and strict police procedures when it comes to keeping persons under custody. The two female inmates were supposed to be locked up, not sleeping at the room of the station commander,” sabi ni Lee.

Tinanggalan na ng baril si Miranda at nahaharap sa patong-patong na kaso, kasama na ang pagsasailalim sa kanya sa summary dismissal proceedings.

Read more...