3 dakip, P102M shabu nasabat sa Cavite

TATLO katao ang naaresto at P102 milyon halaga ng hinihinalang shabu, na nasa loob ng mga pakete ng Chinese tea, ang nakumpiska sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite, Huwebes ng hapon.

Nadakip sina Ronnie Menodiado alyas “Boy,” at mga kasabwat niyang sina Victorio Najera at Annie Rose Lingua, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency chief Aaron Aquino.

Isinagawa ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service, iba pang unit ng ahensya, at lokal na pulisya ang operasyon sa tapat ng St. Dominic College, Molino blvd. cor. Aguinaldo Highway, Brgy. Talaba 4, dakong ala-1.

Nakumpiska sa mga suspek ang 15 kilo ng umano’y shabu na nasa loob ng mga pakete ng Guanyinwang tea, ani Aquino.

Nakumpiska din sa kanila ang “boodle money” at isang Honda Jazz.

Ayon kay Aquino, ang operasyon ay bunga ng isa pang buy-bust sa Brgy. Molino 3, doon din sa Bacoor, noong Marso 3, kung saan naaresto ang dalawang tao at P13.6 milyon halaga ng shabu ang nasabat.

Ikinanta ng mga suspek na nadakip sa naunang operasyon si Menodiado bilang kanilang “source,” aniya.

“Menodiado, based on our investigation, is the main source of shabu in Cavite and the whole of [Calabarzon]. His group also distributes shabu in some parts of Metro Manila and in Zamboanga City,” ani Aquino.

Ayon sa PDEA chief, napansin din nila na madalas mamataan ang grupo ni Menodiado sa mga kolehiyo.

“We are still investigating if they are selling shabu to college students in the region,” aniya.

Ibinunyag din ni Aquino na habang isinasagawa ang operasyon noong Huwebes, nadiskubre ng PDEA ang bagong taktika na ginagawa ng mga drug dealer bago makipag-transaksyon.

Aniya, iniiwan muna ng pusher ang sasakyan nito sa isang lugar at, makaraan ang ilang saglit, ay papasukin ito ng source na may duplicate car key para itago doon ang shabu.

Kasunod nito’y kukunin na ng pusher ang sasakyan kasama ang shabu, ani Aquino.

Read more...