Dagdag pensyon ng SSS hindi pa rin maibibigay

HINDI pa rin matatanggap ng mga pensyonado ng Social Security System ang dagdag na P1,000 ngayong taon.

Ayon kay ACT Rep. France Castro sinabi ng SSS na wala itong pondo para ipatupad ang dagdag na pensyon na inaprubahan ni Pangulong Duterte noong 2017.

“Wala pa raw silang (SSS) pera,” ani Castro sa isang press conference kahapon. “Kung wala silang pera, ipakita nila ang kanilang mga investment sa amin para malaman natin kung talagang wala sila pera. Marami na ngang namatay na senior citizens na hindi napakinabangan ang additional P1,000.”

Inaprubahan ni Duterte ang P2,000 dagdag sa pensyon subalit hinati ito sa dalawang yugto. Binigay ang P1,000 noong 2017.

Sinabi ni Castro na dapat hinahabol ng SSS ang mga employer na hindi nagre-remit ng kontribusyon na ikinakaltas sa sahod ng kanilang mga empleyado.

Aabot umano sa 10,000 ang mga ganitong klaseng kompanya.

Read more...