2 dakip, P8.67M shabu nasabat sa Quezon

ARESTADO ang isang lalaki’t babae nang makuhaan ng aabot sa P8.67 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Lucena City, Quezon, Martes ng gabi.

Nadakip sina Niel Carlo Tolentino alyas “Caloy,” 24, residente ng Brgy. Malabanban Norte, at Mary Jane Pamatmat alyas “Lowla,” 30, ng Brgy. Ibabang Dupay, ani Col. Audie Madrideo, direktor ng Quezon provincial police.

Isinagawa ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency, at Lucena PNP ang operasyon sa Brgy. Ibabang Dupay, dakong alas-11.

Dinampot si Pamatmat nang bentahan niya ng halagang P20,000 shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer, ani Madrideo.

Narekober sa kanya ang P1,000 papel at pekeng P19,000 na ginamit sa buy-bust, at shoulder bag na may apat na pakete ng umano’y shabu, isang timbangan, lighter, peketeng mga sachet, at gunting.

Nakuhaan naman ang kasabwat niyang si Tolentino ng sachet na may umano’y shabu.

Tinatayang 425 gramo ang kabuuang halaga ng umano’y shabu na nakuha sa dalawa, ani Madrideo.

Nagkakahalaga iyon ng P2.89 milyon sa tala ng Dangerous Drugs Board, pero aabot sa P8.67 milyon ang halaga kapag ibinenta na sa kalye, aniya.

Dinala ang mga suspek sa Lucena City Police Station habang hinahandaan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law.

Read more...