NAKASISIGURO kami na nasa top 3 ang pelikulang “The Missing” sa 2020 Metro Manila Summer Film Festival mula Abril 11-21.
Ang ganda-ganda ng mga eksenang napanood namin base sa trailer na ipinalalabas ng Regal Films sa mga sinehan. Ito’y sa direksyon ni Easy Ferrer.
Nag-iisang horror film din ang “The Missing” sa nasabing filmfest na pagbibidahan ni Ritz Azul bilang Iris, isang arkitekto na hindi makalimutan ang pagkidnap sa kapatid noong bata pa sila.
Kasama rin sa movie si Joseph Marco na gaganap bilang Job at ex-girlfriend ni Iris na inalok niya ng trabaho sa Saga, Japan para i-restore ang Riku Watanabe century old house sa Karatsu.
Gagampanan naman ni Miles Ocampo ang isang Pinay student at intern sa Japan na magkakaroon ng koneksyon sa mga karakter nina Joseph at Ritz.
Base sa trailer na ipinakita rin sa Magic 8 announcement ng Summer MMFF, may mga nararamdaman si Ritz habang nasa loob ng century old house. Inisip niya na epekto pa rin ito ng hallucination niya dahil sa nangyari sa kanyang kapatid hanggang sa masaksihan na nga na may mga kababalaghang nangyayari sa bahay.
Hindi naman na bago ang ganitong kuwento na kapag nagpapagawa ng bahay o building ay kailangang mag-alay ng buhay na hayop para tumibay ang pundasyon. Nataon na may mga namamatay na manggagawa kapag naaksidente at ito ‘yung mga hindi natatahimik ang kaluluwa dahil hindi nabibigyan ng hustisya.
Kaya sa mga mahihilig sa horror films kasama ka na bossing Ervin, alam kong hindi n’yo palalampasin ang “The Missing”.
Anyway, tiyak na pagandahan na naman ng float sa gaganaping Summer MMFF Parade of Stars sa Abril 4 na magsisimula sa Mabuhay Rotonda patungong Quezon City Circle.