DINAMPOT ng mga pulis ang isang babae na dating alagad din ng batas, nang mahuli itong nangingikil sa entrapment operation sa Pasay City, Lunes ng hapon.
Nakilala ang suspek bilang si Beverly Banan, dating may ranggong PO3, ayon sa ulat ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
Dating nakatalaga si Banan sa Human Resource and Doctrine Division ng Ilocos regional police bago sinibak sa serbisyo noong 2013.
Isinagawa ng mga tauhan ng IMEG, Special Action Force, at Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) ang entrapment dakong alas-3:25, sa loob ng isang restaurant sa Metro Point Mall.
Inilunsad ang operasyon matapos hingan ni Banan ng P40,000 hanggang P80,000 ang isang tauhan ng IMEG na nagpanggap na pulis na gustong magpalipat sa ibang unit.
Dinampot si Banan nang tanggapin niya ang P1,000 papel at pekeng P39,000 na ginamit sa operasyon.
Nakumpiska sa suspek ang tatlong cellphone at mga PNP document na may kaugnayan sa paglilipat ng pulis sa ibang unit.
Dinitine si Banan sa tanggapan ng IMEG sa Camp Crame habang hinahandaan ng kasong robbery/extortion.
Dahil sa pagkadakip kay Banan, nagsasagawa ngayon ng malalim na imbestigasyon para matukoy ang kanyang mga posibleng kasabwat na aktibong pulis, ayon kay IMEG director Col. Ronald Lee.
Nakikipagtulungan na din ang DPRM sa imbestigasyon, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.