SUGATAN ang Pilipina nang gulpihin diumano ng dalawang Chinese sa pinagtatrabahuhan niyang KTV bar sa Pasay City kahapon ng umaga.
Dinala sa ospital ang biktimang si Monica Mae Saturos para masuri, ayon sa ulat ng Pasay City Police.
Inaresto naman ang mga suspek na sina Chen Uwen Li, 29, babae; at Liu Xu Ming, 27, lalaki.
Naganap ang insidente sa HK88 KTV bar na nasa HK Sun Plaza, Macapagal Blvd., at naiulat sa pulisya pasado alas-9.
Nang magtungo ang mga pulis doon alas-10 ay natagpuan nila si Saturos na umiiyak.
Tumakbo si Saturos patungo sa mga pulis at isinumbong na sinaktan siya ng dalawang Chinese kaya dinampot ng mga alagad ng batas ang babae’t lalaking banyaga.
Napag-alaman ng pulisya na si Chen ay turista at pansamantalang naninirahan sa Makati City, habang si Liu ay empleyado ng Philippine offshore gaming operation at naninirahan sa Paranaque City.
Sa social media account ng 28-anyos na si Saturos, mababatid na bukod sa pagiging empleyada ng KTV bar na madalas puntahan ng mga Chinese ay mahilig din siya sa kulturang Chinese.
Makikita rin ang ilan niyang posts na nagpapahayag ng suporta sa pananatili ng mga Chinese sa Pilipinas sa kabila ng kinakaharap na isyu ng mga ito, gaya ng mga kinasasangkutang krimen at 2019-Coronavirus disease.
Kabilang sa mga ibinahagi niya sa social media ang noon ay kumalat na kuwento tungkol sa mga nakakaawang kapitbahay na Chinese sa condominium at balita tungkol sa pamimigay ng mga Chinese ng facemasks para sa mga Pilipinong natakot sa COVID-19.
Pero nang magulpi ng mismong mga banyaga na kanyang tinatangkilik, hindi na naiwasan ni Saturos na i-post ang mga litrato ng pinsalang tinamo mula sa mga suspek.
“Ako pa ba [ang] mali, p****na nyo pinagtanggol ko kayo, [kung] tutuusin dapat wala na kayo dito… kayo yung salot,” sabi ni Saturos sa isa niyang public post, na kalaunan ay kanyang tinanggal kasama ang mga larawan.
Hinala naman ng kanyang mga kaibigan na pinagselosan siya ng babaeng Chinese.
Iniimbestigahan pa ng pulisya sina Chen at Liu para sa posibleng pagsasampa ng kasong physical injury.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.