SINAMPAHAN ng reklamo sa Ombudsman si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista kaugnay ng maanomalya umanong solar power system at waterproofing works sa gusali ng city hall na nagkakahalaga ng P27.6 milyon.
Ang reklamong graft kay Bautista, dating City Administrator Aldrin Cuña at dating City Engineer Joselito Cabungcal ay isinampa ng QC city government sa pamamagitan ng City Legal Department head Atty. Carlo Lopez Austria Martes ng umaga.
Noong Enero 2019, naglabas umano ng Purchase Request na nagkakahalaga ng P29.2 milyon para sa Supply and Installation of Solar Power System and Waterproofing Works sa Civic Building F.
Nagpalabas ng Notice of Award noong Hunyo 14, 2019 sa Cygnet Energy and Power Asia Inc., na nanalo sa bid na P27.6 milyon. Pinirmahan ni Bautista ang P27.6 milyon Supply and Delivery Agreement sa Cygnet.
Noong Hulyo 1 ay binayaran ang Cygnet ng P25.2 milyon at binawas na ang buwis na kailangan nitong bayaran.
Ayon sa reklamo hindi dumaan sa city council ang proyekto. “Upon inquiry by the City’s Internal Audit Service, the Office of the Secretary of the Sangguniang Panlungsod, in its communication dated February 3, 2020… stated that there were no legislative measures or records in relation to the project,” saad ng reklamo.
Hindi pa rin umano tapos ang proyekto dahil ang solar photovoltaic system ay walang Net Metering system na kailangang ikabit sa Meralco.
Dapat ay 50 porsyento lamang umano muna ang ibinayad sa Cygnet at ang kalahati ay dapat na ibigay matapos ang “testing, commissioning, training, [and] technology transfer” ng proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.