NASAGIP ng mga tauhan ng Coast Guard ang walong pulis at isang sibilyan nang masiraan ng makina at bahagyang lumubog ang sinakyan nilang bangka, sa bahagi ng dagat na sakop ng Cavite, Lunes ng gabi.
Nakilala ang mga nasagip bilang sina SSgts. Harry Narial, Andrei Abesamis, at Ma. Suzette Bayag-o; Cpls. Mary Jane Basilan at Naty Edas; at Patrolmen Laurence Palomino, Glen Ibasko, at Nurina Asdi, pawang mga miyembro ng Cavite Tourist Police.
Nasagip din si Ramon Subay, 43, operator ng nasiraang bangka na “Neslyn,” ayon sa ulat ng PCG.
Nasagip ang siyam dakong alas-7:41, sa layong 5.6 nautical miles mula sa dalampasigan ng Tanza.
Bago ito’y isang oras na nagpalutang-lutang at lumubog ang kalahati ng bangka matapos masiraan ng makina, ayon sa PCG.