MAHIGIT sa $160 milyong cash umano ang ipinasok ng mga bumisitang Chinese sa bansa mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020.
Nakalusot umano ito sa Bureau of Customs at posibleng ginamit sa money laundering, ayon kay House committee on ways and means chairman at Albay Rep. Joey Salceda.
Magsasagawa ng executive session ngayong araw ang komite ni Salceda bukas (Martes) upang pag-usapan kung totoo na $1.02 bilyong cash na ang lumusot sa BoC.
“Base po sa mga reports namin meron po akong nakita na on top of the $160 (million), meron pong $840 million na dumaan last year through Customs through the airports,” ani Salceda. “Nababahala kami dahil napaka-complacent ng attitude ng Customs.”
Inamin naman ni Salceda na walang kapangyarihan ang BoC na kumpiskahin ang pera dahil ito ay idineklara.
“Pero nakakatakot po ang implikasyon nito sa ating national security dahil sa kung anong pinanggalingan at kung saan po napunta nag pera na umabot ng $1.02 bilyon,” ani Salceda.
Karamihan ay sinasabi umano na ang pera ay ‘for investment’.
Punto naman ni Salceda, hindi ka magdadala ng masyadong malaking pera at maaari mo itong idaan sa bangko na mas ligtas.
“$1.02 billion is enough to shift political fortunes,” dagdag pa ni Salceda. “Distort the competitive dynamic of certain industries with little regulatory oversight.”