NASAWI ang 15-anyos na binatilyo nang makipagbarilan diumano sa isang pulis na sumubok pumigil sa “rambol” ng dalawang grupo ng kabataan, sa Dasmariñas City, Cavite, Sabado ng hapon.
Kaugnay ng insidente’y may dinampot na 14-anyos na binatilyo na sangkot din sa rambol, ayon kay Col. Marlon Santos, direktor ng Cavite provincial police.
Kinilala ni Santos ang pulis na nakabaril sa binatilyo bilang si SSgt. Elmer Belaro, nakatalaga sa Calabarzon-Regional Intelligence Division na nakabase sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna, at residente ng Brgy. Paliparan 3.
Naganap ang insidente dakong alas-5, sa Phase 2, Bucal Park, Brgy. Paliparan 3.
Ayon kay Santos, nanonood ng laro sa basketball court ang noo’y naka-off duty na si Belaro nang mapansin ang dalawang grupo ng kabataan na nag-rambol.
Tinatayang tig-10 ang bilang ng mga kabataang nasa magkalabang grupo at may dala pang mga baril, aniya.
Dahil dito’y sumubok umawat si Belaro pero bigla siyang pinaputukan ng isa sa mga sangkot sa rambol, kaya gumanti ng putok ang pulis, ani Santos.
Nang matumba ang binatilyong nagpaputok ay nagpulasan ang dalawang grupong sangkot sa rambol.
Nakuhaan ang naturang binatilyo ng kalibre-.22 revolver na may tatlo pang bala, pati limang sachet ng hinihinalang shabu at dalawang improvised tooter, ani Santos.
Inabutan naman ng mga barangay tanod ang isang 14-anyos at nakuhaan ito ng sumpak.
Sumuko si Belaro sa Dasmariñas City Police matapos ang insidente.