NAGKASAGUTAN sina Interior Secretary Mar Roxas at PNP chief Director General Alan Purisima dahil sa paglinis sa pinangyarihan ng pagsabog sa Cagayan de Oro City.
“Di okay sa akin (na nilinis nila ang crime scene). Ngayon di na natin mabalikan yung crime scene. Saan ka nakakita na sa loob ng 12 hours na nangyari itong karumal-dumal na pagsabog na ito ay hahayaang linisin?” ani Roxas.
Sabi naman ni Purisima, wala nang problema ang paglinis sa crime scene dahil detalyadong nakunan na ng mga litrato ang pinangyarihan ng pagsabog.
Dapat ay kinonsulta muna ni Roxas si Purisima bago siya nagbigay ng pahayag na dapat ay hindi nilinis ang crime scene agad-agad.
Hindi naman kasi pulis si Roxas at wala siyang background sa police, di gaya ni Purisima.
Mas alam ni Purisima ang kanyang sinasabi kesa kay Roxas.
Oo nga’t boss ni Purisima si Roxas, pero hindi rason ito na mas magaling siya kay Purisima sa imbestigasyon.
Tuloy, nagmukhang tanga si Roxas nang sagutin siya ni Purisima na puwede nang linisin ang crime scene matapos makunan ng imbestigador ng mga litrato ito.
Marami nang nakitang police stories si Roxas sa TV at pelikula.
Matagal na pini-preserve daw ng mga police investigators ang crime scene lalo na sa America.
Sa TV at pelikula lang yun, hindi sa tunay na buhay.
Maraming konsiderasyon kung bakit nililinis ang crime scene, gaya ng ito’y gagamitin ng maraming tao at nakakasagabal ang police cordon sa mga nagdaraan.
Ang pinangyarihan ng pagsabog Cagayan de Oro City ay isang mall at kailangang malinis agad dahil ito’y place of business na maraming taong pumupunta.
Isa sa mga customs collector na maaapektuhan sa napipintong reshuffle sa Bureau of Customs ay may malaking mansion sa Fort Bonifacio.
Maraming luxury cars si Collector na kanyang dinidispley sa publiko dahil ginagamit niya ang mga ito kapag pumupunta ng opisina.
Bakit kaya hindi iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman itong si Collector?
Dahil ba siya’y miyembro ng isang maimpluwesiyang religious sect?
Isang customs police officer ang bumabawi sa perang nawala sa kanya nang siya’y mawala sa customs ng mahigit na dalawang taon.
Pinatalsik kasi ng Office of the Ombudsman ang customs police officer dahil sa unexplained wealth.
Pinagmamayabang ng customs police officer na ito na sinuhulan niya ang isang opisyal ng Ombudsman na paalis na.
Ngayon, kontodo pangingikil ang ginagawa ng customs police officer na ito sa mga importers at brokers.
Bakit ba ang customs police ay nakikialam sa panghuhuli ng mga kargamiyento na may mga kontrabando?
Ang original mandate ng customs police ay bantayan ang government property at maging mga private property sa loob ng customs zone.
Somewhere along the way, nagkaroon na ng kapangyarihang manita ng mga kargamiyento sa pier.
Ang tanging makapanita ng mga kargamiyento ay ang collector at kanyang mga subordinates.
Inaatasan lang ng collector o ng commissioner ang mga customs police na maging back-up sila habang iniinspeksiyon ang mga kargamiyentong pinaghihinalaan na may kontrabando.
In short, ang mga customs police ay glamorized security guards.