TIYAK na nakahinga ng maluwag si Health Secretary Francisco Duque III sa naging desisyon ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat na ipagpaliban ang nakatakda sanang pagsisimula ngayong araw ng isang buwang nationwide mall sale sa harap naman ng patuloy na nakakabahalang pagtaas ng bilang ng mga apektado ng novel coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo.
Bagamat nagpapasalamat tayo na wala pa ring local community transmission ng COVID-19 sa Pilipinas, hindi pa rin dapat maging kampante ang lahat.
Batid ng lahat ang kaliwa’t kanang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.
Bukod sa China, na siyang pinagmulan ng deadly virus, kabilang sa mga bansa ngayon ng sobrang apektado ng virus ay ang Iran, South Korea, Japan at Hong Kong.
Samantala, may mga kaso na rin maging sa mga bansa sa Europa, Middle East at Amerika.
May mga nagpahayag din ng pagkabahala na posibleng hindi namomonitor ang mga kaso ng COVID-19 sa mga bansa sa Southeast Asia.
Ayon sa mga eksperto, posibleng kawalan ng kakayahan at ang pagiging malapit sa China kayat tila hindi siniseryoso ng ilang bansa sa Southeast Asia ang deadly virus.
Dito sa Pilipinas, pinuri ng World Health Organization (WHO) ang gobyerno sa epektibong pagtugon sa COVID-19.
Dapat ay pasalamatan dito si Duque at iba pang DOH officials sa kanilang dedikasyon.
Sa kabila naman nito, hindi tayo dapat maging kampante.
Lumalala pa rin ang mga banta ng COVID-19 sa buong mundo.
Kung hindi ito mapigilan, hindi malayong magdeklara ang WHO ng pandemic dulot ng coronavirus.
Kayat bagamat marami nang negosyo ang lugi dahil sa COVID-19, partikular ang turismo, nararapat na ipagpaliban lamang ang nationwide mall sale.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Romulo-Puyat prayoridad pa rin ng gobyerno ang kaligtasan ng bansa kumpara sa mga turista at sa kikitain sana sa 2020 Philippine Shopping Festival.
Nakatakda sanang isagawa ang mall sale simula Marso 1 hanggang Marso 31.
Nauna nang pagpahayag ng pagkaalarma si Duque sa gagawin sanang nationwide mall sale sa pagsasabing hindi nagbabago ang posisyon ng DOH na dapat umiwas sa mga matataong lugar.
Bagamat napakalaki na ng nawawala dahil sa mga travel ban na idineklara ng gobyerno laban sa China, nararapat lamang ito para sa kaligtasan ng lahat.
Masasabi rin nating pinagpala pa rin ang Pilipinas dahil sa kabila ng kawalan ng mabibiling face masks sa bansa ay ligtas pa rin ang mga Pinoy sa deadly virus.
Dapat pa ring magdoble kayod ngayon ang gobyerno para maging sapat ang face masks sa bansa.
May mga local manufacturer naman na gumagawa ng face masks kayat dapat ay nakikipag-ugnayan ang mga kaukulang ahensiya para sa mass production nito dahil sa extra ordinary na sitwasyon.
Sana’y wag nang hintayin pa ng mga opisyal na mangailangan na naman ang mga tao ng face masks bago umaksyon.
Wag sanang maging reactionary ang mga otoridad kaugnay ng banta ng COVID-19.
Sa huli, dasal pa rin ang pinakamabisang sandata, na sanay matapos na ang problemang dulot ng COVID-19 sa buong mundo.
Kanselasyon ng 1-month nationwide mall sale nararapat lamang
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...