‘Ano pa ba ang mahihiling ni Alden Richards?’

ALDEN RICHARDS

Sinungaling ang magsasabing hindi panahon ngayon ni Alden Richards. Pagkatapos nang matagal niyang paghihintay ay nginitian din ng kapalaran ang tinaguriang Asia’s Multimedia Star.

Ano pa nga ba naman ang mahihiling ngayon ng Pambansang Bae sa dami ng mga suwerteng dumarating sa kanyang buhay at career? Meron pa ba?

Masakit at mahirap lang tanggapin ng iba, pero napakatindi ng napatunayan ni Alden sa matagumpay nilang pelikula ni Kathryn Bernardo, ang “Hello, Love, Goodbye”, na bilyon nang mahigit ang kinikita at patuloy pa ring ipinalalabas sa iba’t ibang bansa hanggang ngayon.

Kung hindi si Alden ang naging bidang aktor sa pelikula ay paniguradong ibang senaryo ang nangyari. Hindi ‘yun mamimiruya nang bilyon sa takilya.

Nagbabasa kasi ng ugali ng mga personalidad nang malayuan ang publiko. Alam nila kung sinu-sinong artista ang natural at peke. Alam nila kung sino ang kanilang susuportahan dahil maganda ang puso at mapagmahal sa pamilya.

Si Alden Richards ‘yun para sa ating mga kababayan. Regular siyang napapanood ngayon bilang main host ng talent search para sa mga bata na Centerstage.

Malayo pa lang ay pinaghahandaan na ni Alden Richards ang pinakamalaking concert na gagawin niya sa July 25 sa Araneta Coliseum bilang hudyat ng kanyang ikasampung taong pag-aartista.

Parang nakikinita na namin ngayon pa lang na hindi mahulugang-karayom ang Big Dome sa pinaghahandaan niyang concert. Muli siyang magtatagumpay.

Muli siyang reregaluhan ng kapalaran. Sinusuwerte talaga ang taong walang angas sa katawan at marunong lumingon sa kanyang pinagmulan.

Read more...