ANO ang pinagmulan ng inyong alitan? Hindi ba’t ang masasamang nasa na namumugad sa bawat isa? Meron kayong minimithi pero hindi makamtan. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Santiago 4:1-10; Salmo 55:7-11, 23; Marcos 9:30-37) sa kapistahan ni Santa Walburga, Martes sa ikapitong linggo ng taon.
-o-o-
Inabutan ang live coverage sa Laug, Mexico, Pampanga. Dumami ang tao sa harap ng flat screen nang mahagip si Pinuno. “Magsasalita yan,” anang nananabako. Nagtagisan na ng kaalaman ang marurunong, ilan ay kilalang tuso, pero tila wala pa ang tiyempo ni Pinuno. Maya-maya’y panudyong pinansin ang kanyang presensiya at pinagdudahan pa kung sisingit at magsasalita ang salat sa pinag-aralan. Apuhap ang pananalita ng marurunong, na tila maingat na di makanti’t marungisan ang Dambuhala.
-o-o-
Pero, sa harap ng gumigiling na kamera, parang kidlat na gumuhit ang nagngangalit, “Kaya po ba kayo nahihirapang kumuha ng franchise ay dahil galit sa inyo ang Pangulo!?!” “Fearlessly thrown. The ony senator who had the guts,” anang isang nakapamburol sa gallery. Nagkutis suka ang panig ng Dambuhala. Interesado ba ang nasa harap ng flat screen sa prangkisa na sila mismo ay di naiintindihan kung anong klaseng dumi ng kalabaw ito sa parang sa labas ng bintana na di na hagip ng usok ng tabako?
-o-o-
Malinaw na hindi nakinabang ang Dambuhala sa tanong ni Pinuno. Pero, nakinabang si Pinuno sa Dambuhala kaya nga siya nanalo at di na ginamit ang maalamat na Leon Guerrero. Paanong pabor sa interes ng nananabako ang prangkisa ng Dambuhala gayung siya at mga manananim at mangingisda ay di uunahin ang pagsubaybay sa paikut-ikot na istorya ng pakikiapid at mas nanaisin pang nasa bukid at palaisdaan para may makain ang pamilya? Ayaw nga nilang subaybayan ang syoke dahil bukod sa hindi na siya nakatatawa ay nakasusuka pa ang panunudyo.
-o-o-
Sa ilang nakauunawa sa isyu, nakapagtatakang ibinabandeha ang Dambuhala bilang api. Hindi mailibing sa limot ng Kapampangan ang pandudusta’t pang-aapi ng Dambuhala sa kababayang si Gloria Macapagal, anak ni Dadong pobre ng Lubao, lalo na ang coverage noong siya’y nasa Veterans pa. Malaking negosyo ang tangan ng Dambuhala na kahit ipaliwanag ng ekonomistang GMA ay di mauunawaan, kailan man, ng magtotolda’t magkukumot ng Mexico. Malinaw na hindi sila naserbisyuhan ng nagyayabang, na tila ibinababa na ng divino.
-o-o-
Ang ipinagtataka ng masisipag na taga-Laug ay bakit kung sino pa ang Dambuhala ay iyon pa ang ipinaglalaban nang patayan ng pulot? Samantalang ang mahihirap dito ay deka-dekada para makaahon sa pakikipagsapalaran sa tela, tolda, kumot, banig at palay, na paubos na; nang walang kusang tulong at kalinga ng mapanlinlang na matatalinong senador. Ilubog man sila ng matagal na baha ng habagat at bagyo ay wala silang tinatanggap na saklolo. Paano nakapaglingkod ang mga senador at Dambuhala, na ipinagmamalaking 60 taon na raw nagseserbisyo? Freedom of expression? Para sa mahihirap dito, hindi nakakain yan. Pinuno for president, sigaw ng taga-Laug.
-o-o-
“…dahil galit sa inyo ang Pangulo?” Sa Davao City, ang pinanggalingan ng minaliit na mayor, ang atraso ay atraso. Basta atraso, atraso yan. Hindi ba nauunawaan ang damdamin ng alkalde sa lalawigan na minaliit at inapi ng Dambuhala? Kung nagbabasa’t nag-aaral ng Ebanghelyo ang Dambuhala, madalas sambitin ng Unang Pagbasa, Salmo, Ikalawang Pagbasa at mismong ang Ebanghelyo na huwag apihin ang maliliit. Buong taon ng pag-aaral sa ilalim ng mga liturhiya. Katoliko pa man ding naturingan. Ang maliit ay itinataas; ang nasa itaas ay ibinabagsak; ang gulong ng buhay.
-o-o-
Nais ng mga residente ng bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat na palitan na ang pangalan ng kanilang tinubuan. Marami na silang naririnig at nababasa hinggil sa masasamang ginawa ni Ninoy Aquino. Hindi nila kilala si Aquino, pero ito ang isinalaksak sa kanilang kaalaman. Nais nilang pangalanan ang bayan sa mga Moro na nagtanggol sa kanila at namuhay nang malinis at makatao.
-o-o-
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa San Vicente, Malolos City, Bulacan): Biliko. Bilmoko. Tila hindi na angkop sa matatanda. Tama na ang shopping, lalo na kung may biyaya na. Tama na ang buying kahit kaya pang bitbitin ang dalawang bayong. Ilan pa ba ang kailangan mo? Marami pa bang kulang? Ah, oo nga pala. Marami pang bibilhin ang senior para sa apo. Marami pang kailangan na maintenance. Di na kailangan ang materyal sa pagtanda.
-o-o-
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Santo Nino, Malolos City, Bulacan): Tanyag ang pook na ito sa mga nagpapakasal, lalo na sa simbahan. Pero, malaki na ang ipinagbago ng panahon. Nababawasan na rin ang bilang ng mga nagpapakasal. Ito na nga ba ang bagong kalakaran? Henerasyon? Ayaw na ba nila ang basbas ng banal na espiritu? Ang ayaw sa simbahan ay kalayaang ibinigay ng anak ng Diyos. Huwag abusuhin ang kalayaang ito.
delayed and declining marriage.
-o-o-
PANALANGIN: Tulungan Mo kaming talikuran ang pagkamakasarili at turuan Mo kami sa hangarin para sa mamamayan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
-o-o-
MULA sa bayan (0916-5401958): Kailangan namin ng puhunan sa pagtitinda. …4356, Bongabong, Davao de Oro
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.