Sikat na female star masahol pa sa pulubi, walang sariling pera kahit milyonarya

TALAGA palang hindi nahahawakan ng isang pamosong female personality ang kanyang kinikita. Wala siyang hawak, ang kanyang ina ang nagtatago, allowance basis lang pala siya sa kanyang mga magulang.

May mga pagkakataong may kailangang pagkagastusan ang masipag na babaeng personalidad pero wala man lang mahugot mula sa sarili niyang bulsa.

Kuwento ng isang source na kabisado ang buhay ng sikat na female personality, “Wala talaga siyang hawak, kung meron man, e, maliit na amount lang ‘yun, kasi nga, allowance lang niya ang ibinibigay ng mommy niya!

“Alam n’yo bang ni hindi man lang siya nakakapag-shopping? Mabuti na lang at maraming fans na nagmamahal sa kanya, maraming nagreregalo sa kanya, kaya nagkakaroon din siya ng mga stuff na gusto niyang magkaroon pero hindi niya naman mabili-bili dahil wala nga siyang hawak na datung!” napapailing na simulang chika ng aming impormante.

Nagkaroon ng boyfriend nu’n ang female personality, very generous ang kanyang karelasyon, kapag dumarating ang kanilang monthsary ay nagreregalo sa kanya ang aktor.

Balik-kuwento ng aming source, “Natural, gusto rin naman niyang makapagbigay ng gift sa boyfriend niya, di ba? Pero kulang na kulang siya sa budget.

“Hindi siya puwedeng manghingi sa mommy niya, dahil siguradong puro talak ang mapapala niya! No way, highway! So, ang mga friends niya ang hihiraman ng datung ng girl!

“Palaging ganu’n, wala siyang hawak na malaking halaga, pang-allowance lang ang nasa kanya, kaya ang mga kaibigan niya ang nagsasalba sa mga kailangan niya!

“Nakakaawa naman siya! Para siyang kalabaw kung magtrabaho, tapos, ni hindi man lang niya nahahawakan ang mga pinaghihirapan niya?

“Inilalagay naman sa business ng mga magulang niya ang kinikita ng girl, pero ano ba namang bigyan din siya ng sarili niya namang panggastos sa milyones na iniaakyat niya sa kabuhayan showcase ng pamilya nila?

“Kayo man, hindi ba kayo malulungkot sa sitwasyon ng girl? Siya ang dahilan kung bakit nagkaroon sila nang milyones, pero hindi niya naman nahahawakan ‘yun?” napapailing na lang na pagtatapos ng aming source.

Alam na this, wala nang kailangang karagdagang clue, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio.

Read more...