HINDI palalagpasin ni Stage 1 winner at dating lider Mark Julius Bordeos katuwang ang kanyang mga teammates sa Bicycology Shop-Army ang pagkakataon na makabawi sa nalalabing limang araw ng LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary sa pagpapatuloy ng karera ngayong Sabado, Pebrero 29.
Asinta ng 27-anyos ni Bordeos, sa tulong ng mga kakampi, na muling manalo at mabawi ang ‘red jersey’ sa pag-arangkada ng 111.9 kilometrong Stage 6 ng LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race na magsisimula sa Kapitolyo at magtatapos sa Tarlac Recreation Center sa Tarlac City.
“Mahaba pa ang karera, tiyempuhan lang kapag nakakita kami ng pagkakataon, papasukin namin. Kung nagawa kong maging lider ng dalawang ulit, bakit hindi ko mauulit?” sabi ni Bordeos, na nagwagi sa Stage 1 at naisuot ang red jersey sa pagsisimula ng karera na inorganisa ng LBC katuwang ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
Nalaglag sa No. 7 spot sa Top 10 si Bordeos, na may natipong tiyempo na 17:59:31, matapos ang dalawang sunod na araw na dominasyon ng Standard Insurance-Navy na nagdala sa kanilang anim na riders sa Top 10, sa pamumuno ni George Oconer, na kabilang sa six-man top finishers sa Stage 5 sa Antipolo City nitong Huwebes.
Nakalikom na ang 28-anyos na si Oconer ng kabuuang oras na 17 oras, 43 minuto at 13 segundo. Kasunod naman niya ang mga kakamping sina si Ronald Oranza (17:55:28), Ronald Lomotos (17:55:31), John Mark Camingao (17:56:06), Junrey Navarra (17:56:30) at El Joshua Carino (17:58:04).
Nasa ikawalo hanggang ikasampung puwesto naman sina Rustom Lim ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines (17:59:33), Jonel Carcueva (17:59:41) at Ismael Grospe, Jr. (18:00:01) ng Go for Gold.
Batid naman ni Oconer, anak ni two-time Olympian Norberto Oconer, na hindi pa tapos ang labanan.
“Anything can happen in the last five stages, that’s why I don’t want to celebrate early. I’ll just do my best and if I win, I win,” sabi ni Oconer, na naging runner-up sa 2011 at 2015 edisyon ng Ronda, na suportado rin ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.