Bodyguard ni Sarah inulan ng batikos, tinawag na tsismoso, sumbungero

MATTEO GUIDICELLI, SARAH GERONIMO AT JERRY TAMARA

Nagreklamo kay Raffy Tulfo ang close-in security ni Sarah Geronimo na si Jerry Tamara. Ipinipilit nito na talagang isang sapak sa leeg ang ibinigay sa kanya ni Matteo Guidicelli.

Aminado ang close-in security ni Sarah na nu’ng pumasok si Mommy Divine sa isang restaurant na pinuntahan ng mga bagong kasal at ng pamilya ni Matteo at iba pang mga kaibigan nila ay nagtungayaw agad ang ina ni Sarah.

“Pagpasok po ni Ma’m Divine sa room, sumigaw agad siya! ‘Mga walanghiya kayo! Mga traydor! Gusto kong makausap ang anak ko!’

“Hindi na po maganda ang nangyari, hindi na magaganda ang mga salitang narinig ko mula sa kanila, nagsasagutan po si Ma’m Divine at ang mga magulang ni Sir Matteo!

“Malapit na nga pong masaktan ng father ni Matteo si Ma’am Divine dahil gigil na gigil na siya!” diretsong kuwento ni Jerry Tamara.

Inulan ng mga batikos sa social media si Tamara, puro pamba-bash ang inabot nito mula sa mga nakatutok sa Wanted Sa Radyo, ganu’n daw talaga ang napapala ng mga tsismoso.

Ang punto naman ng security, “Hindi po ako tsismoso, ipinagkatiwala po ni Ma’m Divine sa akin ang anak niya. Nu’ng sabihin ni Ma’m Sarah na mauna na kaming umuwi, siyempre po, ang una kong tinawagan para tanungin, e, si Ma’m Divine!

“Hindi ko po alam na may kasalan pala, kaya hindi po ako tsismoso! Ginawa ko lang ang duty ko sa pamilya. Hindi ko po puwedeng pabayaan si Ma’m Sarah dahil VIP ko siya!” paliwanag ng close-in security ng singer-actress.

Read more...