Usapang prangkisa rin

TOTOO ba ‘tong naikuwento sa akin ng isang driver ng pampublikong sasakyan na nakakabiyahe ang mga kolorum ng Rodriguez-Cubao, Quezon City kapalit ng P6,000?
Ang kuwento ni Manong, maraming kolorum na UV Express na biyaheng Cubao ang walang prangkisa.
Ito daw ang dahilan kung bakit dumami ang mga UV Express kahit na hindi naman naglalabas ng bagong prangkisa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Marami sa mga kolorum na UV Express ay mga bagong sasakyan.
Ang mga kolorum na pasok sa sindikato ay dinidikitan ng sticker ng UV Express pero wala talagang prangkisa.
Kapag hindi nakabayad ng buwanang tong-pats ay tinutuklap umano ang sticker ng sasakyan.
Kaya siguro sticker na lang ang nakatatak na UV Express sa mga sasakyan.
Noong panahon ng FX Taxi dapat ay nakasulat ang marka sa sasakyan. As in nakapintura kaya hindi kaagad matatanggal. Baka kaya sticker na lang ang inilalagay ngayon, para madali matanggal ng mga kolorum.
Kahit naman hindi tuklapin, itimbre lang nila sa mga kasabwat na traffic enforcer ay mahuhuli ang kolorum na hindi nagbigay. Kung ikaw naman ang may-ari ng kolorum na sasakyan, mas malaki ang multa mo kapag nahuli ka kaya magbibigay ka nalang.
Ang kolorum na van ay P200,000 ang multa at blacklisted ka pa kaya hindi ka na talaga makakakuha ng prangkisa.
Bukod sa mga kolorum, hindi rin sumusunod sa kanilang prangkisa ang maraming UV Express.
Ang UV Express ang pumalit sa FX taxi. Dati naging problema ang mga FX taxi dahil nakikipagkompetensya sila sa mga pampasaherong jeepney kaya dumadagdag sila sa nagpapa-trapik.
Kaya inalis ang FX taxi at pinalitan ng UV Express. Ang layunin nito ay mas mabilis na biyahe para sa mga pasahero. Magsasakay sa terminal at magbaba sa terminal lang. Kung ikaw yung pasahero, okay to, kasi hindi na hinto ng hinto.
Pero wala rin, bumalik din sila sa dati at nakikipagkompitensya sa mga jeepney—nagbababa at nagsasakay kung saan-saan.
Pwede ba silang hulihin ng traffic enforcer dahil nilalabag nila ang kanilang prangkisa?

Read more...