Sarah todo-iwas sa interview: Ok na po yun, pasensiya na…sorry po

IWAS na iwas at tila hiyang-hiya si Sarah Geronimo nang makorner ng ilang reporter ng ABS-CBN bago sumalang sa taping ng The Voice Teens nitong Lunes.

Hindi sumagot ang Popstar Royalty sa mga tanong tungkol sa kontrobersyal na “secret wedding” nila ni Matteo Guidicelli noong Feb. 20 sa Shangri-La Hotel sa Bonifacio Global City, Taguig.

Hinintay talaga ng mga entertainment reporter si Sarah sa ABS-CBN compound dahil may taping nga ito para sa reality singing search na The Voice Teens kung saan isa siya sa mga coach.

At nang dumating na nga sa studio ang misis ni Matteo, sinundan nila ito para kumustahin ang wedding at linawin ang sinasabing pagsugod ni Mommy Divine sa reception at ang panununtok umano ni Matteo sa kanyang bodyguard.

Sa isang video na ipinost sa ABS-CBN News, mapapanood ang naging reaksiyon ni Sarah sa panayam. Dito makikita si Sarah na naglalakad habang sinusundan ng press.

At nang makitang kinukunan siya, nagtanong ito ng, “Ano po’ng atin?”

Sinagot naman siya ng kumukuha ng video ng, “TV Patrol, Ma’m.” 

Nakangiting yumuko si Sarah sabay nagtakip ng kanyang kanang tenga. Nag-peace sign siya sa mga reporter sabay dialogue ng, “Okay na po. Okay na po. Okay na po.”

Habang patuloy na naglalakad, isang crew naman ng Tonight With Boy Abunda ang nagtanong kay Sarah ng, “Anong… reaction lang.” Na sinagot ng singer-actress ng, “Bakit? saan?”

Hirit naman ng TWBA reporter, “For ano lang…what happened.”

“What happened?” balik-tanong ni Sarah na sinagot naman ng nagtatanong ng, “Nu’ng happy… nung nangyari sa… nu’ng February 20.”

Tugon naman ng Sarah, “Okay na po yun. Pasensiya na. Sorry po. Sorry.” Tinapik pa ng asawa ni Matteo ang nagtanong sabay peace sign uli.

Walang napala ang mga Kapamilya reporters sa tangka nilang ma-interview ang singer-actress hanggang sa paligiran na siya ng kanyang staff at patuloy na naglakad patungo sa The Voice Teens studio.

Read more...