‘Hindi namin maimadyin ang mundo kapag wala ang ABS-CBN’

Nagpahinga lang kami nu’ng araw ng Linggo. Hindi kagandahan ang aming pakiramdam. Sabi nga ng mga kaibigan ay hindi naman kami si Wonder Woman.

Puro pahinga, kain at pagtutok lang sa telebisyon ang inikutan ng aming maghapon para makabawi ng lakas. Bandang hapon ay nawalan ng signal ang aming TV.

Hindi lang kami, marami ring nagpo-post ng ganu’ng sitwasyon, wala rin silang signal. Nagtagal ‘yun nang ilang oras.

Ang mababasa lang sa TV screen ay “Weak or no signal. Please check your aerial connection.” Kulay itim ang TV screen. Tahimik ang kapaligiran, naghihintayan kaming lahat sa bahay kung may signal na, nakaiinip ang ganu’ng kapaligiran.

Naisip lang namin, ang pagkawala ng signal ay magbabalik, pansamantala lang ang ganu’n. Paano kung tuluyan nang hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN?

Paano kung isang umaga ay nagbukas tayo ng telebisyon pero kulay itim na screen lang ang tumambad sa atin dahil sarado na pala ang network?

May mga istasyon pa rin naman tayong mapanonooran. Pero para sa mga kababayan nating tumanda na sa pagtutok sa ABS-CBN ay isang matinding pagluluksa ang magaganap.

Hahanapin nila ang istasyon, ikalulungkot nila ang pagkawala ng network na kasabay na nilang lumaki at tumanda, hindi namin maimadyin ang mundo ng telebisyon na wala nang ABS-CBN.

Hindi naman ang nasabing network ang simula at wakas ng ating buhay, mawala man sila ay patuloy na iikot ang ating mundo, pero ang paghahanap at kalungkutan ay hindi maiiwasan.

Read more...