Motor nasalpok ng 10-wheeler: 2 patay

NASAWI ang isang lalaki at babae nang masalpok ng 10-wheeler truck ang sinakyan nilang motorsiklo, sa Lemery, Batangas, Linggo ng madaling-araw.

Dead on arrival sa ospital sina Vingsky Enrik Malabanan at Krysten Malabanan, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.

Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Matingain I, dakong alas-2:40.

Bumibiyahe ang trak (TFZ-787) mula Calaca patungong Lemery nang masalpok ang kasalubong na motor ng mga Malabanan, ayon sa ulat.

Lumabas sa imbestigasyon na inunahan ng trak ang isa pang sasakyan sa pamamagitan ng paggamit sa kabilang lane, pero doon ay nasapok ang motor.

Dinala pa sina Vingsky Enrik at Krysten sa Batangas Provincial Hospital pero di na sila umabot nang buhay, ayon sa pulisya.

Napag-alaman sa social media accounts ng kanilang mga kaanak na magpinsan ang dalawa.

Labis na ikinalungkot ng mga kaanak ang pagkasawi ng mga biktima na, ayon sa mga kaanak, ay marami pa sanang tinutupad na pangarap.

Naaresto ang truck driver at kasalukuyang nasa kostudiya ng Lemery Police para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, ayon sa pulisya.

Read more...