SUPORTADO na rin ng UP College of Mass Communication (UP-CMC), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), at Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) ang ABS-CBN.
Kinondena nila ang quo warranto case na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema kamakailan.
Sa statement ng UP-CMC, sinabi nila na ang kasong ipinasa ng SolGen ay isang hakbang para patahimikin ang boses ng media gaya noong Martial Law, at dapat na maging mapagmasid ang mga mamamayan upang hindi na maulit ang kasaysayan.
“Sa paghain ng quo warranto laban sa ABS-CBN, ipinapakita ng gobyerno na gagawin nito ang lahat para patahimikin ang boses ng media,” sabi ng grupo.
Mabigat din daw ang ginagampanang papel ng broadcast media sa panahon ng kalamidad at medical emergencies gaya ng kasalukuyang hinaharap ng bansa, kaya mas kailangan ng mga mamamayan ngayon ang tapat at tuwid na tagahatid ng impormasyon.
Sang-ayon naman ang CEGP dito matapos batikusin ang administrasyon sa paulit-ulit umano nitong pag-atake sa kalayaan ng mga mamamahayag. Nangako rin ang grupo na magiging kaagapay sila ng ABS-CBN at ng libo-libong empleyado nito.
Inilarawan naman ng FOCAP ang ABS-CBN bilang “pillar of the media industry” at pinuri ang pagiging susi nito sa pagsiwalat sa kurapsyon sa gobyerno.
“Ang mga kasamahan namin sa ABS-CBN ay nanguna sa bawat mahahalagang balita sa bansa. Inilahad nila ang kasaysayam at patuloy itong ginagawa,” sabi ng grupo.
Ayon naman sa The Communicator, ang official student publication ng PUP, itinuturing daw na tahanan ng mga PUP alumni ang ABS-CBN kung saan karamihan sa graduates nito ay kasalukuyang nagtatrabaho ngayon, at ang pagsasara nito ay tiyak raw makakaapekto sa pamumuhay ng mga naging estudyante ng unibersidad.
Nakiisa rin ang Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP) sa panawagang ito para sa patuloy na paghatid ng mahahalagang impormasyon sa mga Pilipino.
“EJAP hopes that Congress will exercise its independence… to ensure a more dynamic free flow of information for the benefit of a better-informed citizenry and robust Philippine democracy,” sabi ng grupo sa kanilang statement.
Sinagot na ng ABS-CBN ang mga paratang ng OSG at sinabing wala itong nilalabag na kahit anong batas.