CONFIRMED! Certified Kapuso na ang cosplayer,singer-songwriter at aktres na si Myrtle Sarrosa.
Kahapon, pormal nang ipinakilala ng GMA 7 ang dalaga bilang bagong talent ng GMA Artist Center matapos itong pumirma ng management contract with Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara and GMA Artist Center Senior Talent Manager Daryl Zamora.
Very excited at looking forward ang dalaga sa mga nakatakda niyang gawing proyekto sa GMA, “Hindi pa rin ako makapaniwala. Kasi bata pa lang ako, nanonood na talaga ako ng iba’t-ibang fantaserye sa GMA and ngayon na first time ko nakapasok dito sa GMA building, surreal pa siya sa akin. Pero I’m so excited sa mga mangyayari dito.”
Dagdag pa niya, “Sobrang grateful ko rito sa GMA kasi pagpasok ko pa lang, sinabihan na nila ako na they believe in me and excited na ako sa iba’t ibang breaks na parating for me.
“Everyone is so nice and they’re so warm. Masaya ako to be in a new environment. I’ve really wanted to work with GMA kasi yung shows na meron sila, these are the kinds of shows that I want to be a part of. I can feel that GMA believes in me and I’m so happy to find people na naniniwala sa akin,” lahad pa ni Myrtle.
Inamin ng isa sa mga naging Pinoy Big Brother grand winner noon sa ABS-CBN na gustung-gusto niyang makatrabaho at maka-loveteam ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards, pero sana raw ay huwag magalit sa kanya ang fans ng binata. Nais lang daw talaga niyang ma-experience kung paano makatrabaho ang award-winning Kapuso actor.
Bukod kay Alden, nais din niyang makasama sa mga gagawin niyang proyekto sa GMA sina Julie Anne San Jose at Ruru Madrid, “I really want to reinvent myself and to experience new things.
Life is about making new memories and creating new experiences. I’m so excited for what’s yet to come.”
Nilinaw naman ng sikat na cosplayer na maayos siyang nagpaalam sa ABS-CBN. Aniya, tinatanaw niyang napakalaking utang na loob sa Kapamilya network kung nasaan siya ngayon at umaasa siya na mas magiging mabunga ang kanyang career ngayong Kapuso na siya.
Sa ibinigay na welcome presscon ng GMA para kay Myrtle, ibinalita ng dalaga na una siyang mapapanood bilang Kapuso sa longest gag show ng GMA na Bubble Gang na susundan ng espesyal na episode sa weekly drama anthology na Tadhana hosted by Marian Rivera kung saan makakasama niya si Jak Roberto.
Natanong din sa kanya kung totoong isa siya sa mga bibida sa Voltes V: Legacy Live Action remake ng GMA na ididirek ni Mark Reyes. Inamin ni Myrtle na nag-audition siya para sa nasabing serye pero hindi pa niya alam kung pasado na siya, “Pero sana nga dahil fan talaga ako ng mga anime, like Voltes V.”
Samantala, hindi lang fans ng naturang anime ang excited kung hindi maging ordinary viewers ay curious din sa magiging visual effects at lalo na sa bubuo ng bigating cast nito. Balitang may napili ng aktor na gaganap bilang si Steve sa live action adaptation ng Voltes V.
Good news naman para sa mga nais mapasali sa proyektong ito dahil magkakaroon ng audition ang GMA para sa isa sa mga karakter ng programa, si Big Bert. Ayon sa Instagram post ni Direk Mark, naghahanap ang kanilang team ng mga lalaking hindi bababa sa 5’8 ang height, may kaalaman sa martial arts, 18-20 years old, at malaki ang pangangatawan.
Ngayong Lunes (Peb. 24) simula 11 a.m. sa GMA Annex building ang audition para sa role na ito. Ito na ang chance mo na maki-volt in sa much-awaited live action remake na Voltes V: Legacy.