PASTULAN ninyo ang katawan ng Diyos na kasama ninyo. Pangalagaan ito hindi nang sapilitan, hindi ng sakim sa salapi kundi nang bukal sa kalooban. Iyan ang Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 P5:1-4; Sal 23:1-6; Mt 16:13-19) sa kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro, Sabado sa ikaanin na linggo ng karaniwang panahon.
***
Nakapanlulupaypay, sa cerrado Catolico na tulad ko, ang balitang kokonti (hindi konti, dahil ito na ang katapusan, pag konti na nga) na raw ang nagsisimba sa Pinas, at ang tinamaang simbahan ay ang Minor Basilica ni San Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila. Ayon kay Rev. Siegfred Arellano, pari ng Minor Basilica, ang paghuho ng bilang ng mga nagsisimba, simula sa nakalipas na dalawang linggo, ay ang Covid 19, bagaman wala namang tinamaan ng coronavirus sa arabal ng Basilica. Pero ang simbahang Rosario noon ay nabawasan na ang nagsisimba nang maging negosyo ang paligid.
***
Ang kokonting nagsisimba ay di lamang sa Basilica ng Binondo, kundi sa maraming dambana ng diyosesis at pangunahing simbahan na dati’y itinuturing na malalakas na teritoryo. Maging ang Manila Cathedral, ang diyosesis ng Arzobizpado de Manila at Minor Basilica ng Inmaculada Concepcion ay nababawasan din ng mga nagsisimba, sa kabila ng aircon nito. Maliban sa Minor Basilica ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, na hindi aircon, maraming simbahan na rin ang nabawasan. Maraming dahilan, pero ang tila pangunahin ay ang tamad na mga pari. Di na nakaaakit ang kanilang homilia.
***
Ang araw-araw na homilia, at ang dalawa hanggang apat na homilia araw-araw, ang kinatatamaran ng mga pari (paano na ang walong homilia sa Linggo, Solemnidad, kapistahan at Pangunahing Paggunita?). Maraming aklat ng RTR (ready-to-read Gospels with reflection) ang inililimbag; ang mayayamang diyosesis ay may sariling RTR. Hindi na magninilay at magsusulat ang magsesermon dahil puyat sa “nocturno vida” at babasahin na lang ang RTR o liliguy para di mahalata ng lectors, commentators at lay ministers.
***
Ang katamaran ng ilang pari ay makikita sa bilis ng kanilang pagmimisa, lalo na kung siya ang first mass sa 5 n.u. Ang tamad ay magpupursige para agad na matapos ang Misa. Ang “saintly priest” ay ninanamnam ang pagdaan ng trigo sa gilingan para angkop sa altar at ang pagpisa ng ubas sa winepress, wika nga. Sa madaling salita, sisikapin niyang maging totoo sa kanyang salita sa makasalanan, nagsisisi at nagbabalik sa pananampalataya para maunawaan at tanggapin ang Salita.
***
Sa isang “show” na sinubaybayan ng may 10 milyon Katoliko, tinanong ng tanyag na pari ang deacon kung ano ang kaibahan niya at ng magpapari. Ang sagot ng deacon: ang pari ay malaki na ang tiyan at siya ay maliit pa. Namula ang pari at halos pagbuhatan ng kamay ang namutlang deacon. Ang pag-inom ng alak gabi-gabi, bago matulog at ang pagiging matakaw sa pagkaing libre hain ng mga hermanos y hermanas ay nagiging sanhi ng paglaki ng tiyan at pagiging tamad kinabukasan.
***
Ang isa pang kinatatamaran ay ang pagtugon sa sick call. Ang sick call ay inihahambing din sa pagdalaw ni Maria kay Elizabeth, ang ikalawang Misteryo ng Tuwa, ayon sa Ebanghelyo ni San Lucas (1:39-45). Ang sick call ay agarang pagtugon, pero kapag ito’y nabalam o nabimbin, ang pamilya at maging ang may karamdaman ay labis na mag-aalala at mababagabag. Paano nila sisisihin ang Diyos na kanilang tinawag? Ang nakadadalamhati ay datnan ng pari ang naghihingalo na bangkay na. Ang pilosopong pari ay mangangatuwiran na trapik (kasi) at puwede pa raw dahil wala pang dalawang oras; at dadasalan na lang niya ang yumao malapit sa tenga.
***
Nakapanlulumo rin sa mga mananampalataya na alam nila ang bukas na lihim na si Father ay naakit ng demonyo ng laman, tulad ng nangyari sa isang maliit na parokya sa Mimaropa. Lumaban ang parshioners sa hayok na peri, pero natalo sila nang imbestigahan mismo ng simbahan at ihayag ng isang obispo na dinismis ng Vatican ang reklamong pangmomolestiya. Sa isang malaking simbahan, umalma ang mga obrero nito nang mapansin ang kakaibang interes ng isang pari sa altar girl; hanggang sa inilipat ang pari sa malayong parokya. Hindi naman nawawala ang pananampalataya’t pagsimba, kung mauunawaan lang ang homilia, tulad ng mungkahi ng isang obispo na paminsan-minsan, ipaliwanag ang aral ng Unang Pagbasa at Salmo, at huwag pairalin ang katamaran.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Longos, Balagtas, Bulacan): Sa nakararami sa umpukan, ang may konsiyensiya na lang ay ang matatanda; at wala na ang mga bagong sibol. Nakalulungkot na ang kabataan ay wala nang konsiyensiya, na tinawag pa ng bagong henerasyon na moral values. Sa matatanda, GMRC (Good Manners and Right Conduct) yan. Ang moralidad ay nagmumula sa turo ng magulang at simbahan (Katekista, na laganap noon; wala na ngayon). Wala na nga ang moral values, wala na rin ang konsiyensiya.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Wawa, Balagtas, Bulacan): Ang bagong panukat ng mataas na presyo ay tuwing may “emergency” sa bahay o sa pamilya. Sa biglaang pangangailangan sa ospital, presinto, atbp., ang kailangan ay P10,000, maging ito’y nasa bulsa o impok. Pero, hindi lahat ng nasa umpukan ay may itinabing P10,000.
***
PANALANGIN: O Jesus, ipinapanalangin ko sa Iyo ang mga paring nahaharap sa pagsubok at tukso. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Ano na ba ang nangyari sa kaso ni Trillanes sa Davao City? …2780, Toril, DC
Tinatamad na mga pari
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...