IIKA-IKANG maglakad at may tungkod pa si Direk Sigrid Andrea Bernardo nang dumalo sa premiere night ng pelikula niyang “Untrue” sa Ortigas cinema 1 and 2 ng Estancia Mall sa Pasig City nitong Lunes.
“Ikaw kasi, nataranta ako pagkatapos nating mag-usap,” ang birong sabi sa amin ni direk Sigrid nang tanungin namin bakit siya may tungkod.
Kausap kasi namin ang direktor nitong Lunes tungkol sa pagiging trending ng idinirek niyang Jollibee short film na may titulong “Space” na napapanood ngayon sa YouTube at Facebook.
“Oo nga, pagkatapos nating mag-usap, pagtayo ko, may bubog pala akong natapakan, hindi ko nalinis mabuti ‘yung carpet. Actually one week na ‘yung nakabasag ako ng bote, hindi ko nalinis mabuti,” kuwento ni Direk.
Sabay pakita ng kuha niya sa cellphone ng paa niyang maraming dugo habang ginagamot niya. Pero siyempre kahit iika-ika kailangan niyang dumalo sa pelikulang ipinagmamalaki niya. Tama ang sinasabi niyang napakagaling nina Cristine Reyes, Rhen Escano at Xian Lim sa movie.
Anyway, napansin naming hindi nagbabatian sina Xian, Cristine at Sigrid sa premiere night? Hindi pa rin ba sila okay pagkatapos ng masalimuot nilang karanasan habang sinu-shoot ang “Untrue” sa bansang Georgia?
Inaasahan kasi namin na magkakasama silang tatlo na rarampa sa red carpet premiere pero hindi ito nangyari at hindi rin magkakatabi ang kanilang mga upuan.
“Nagbabatian naman kami,” kaswal na sabi sa amin ng direktora.
Sa solo presscon ni direk Sigrid ay ipinaliwanag niya na para kina Cristine at Xian din ang ginawa niyang paghihigpit sa shooting at aminadong isa siyang perfectionist dahil ayaw niyang may masilip na hindi maganda sa kanyang pelikula lalo na ang akting ng mga artista.
At base nga sa napanood namin, walang butas ang istorya ng “Untrue,” ang daming emosyon ng bawa’t artista sa pelikula.
Tinanong namin si direk Sigrid kung gusto pa niyang makatrabaho sina Xian at Cristine, “Bakit naman? Depende. Pero kasi hindi ako umuulit ng bidang artista, eh, maliban lang sa supporting roles at itong AlemPoy (Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na bida sa Kita Kita).”
Si Sigrid din ang magdidirek ng pelikulang “Walang kaParis” nina Alessandra at Empoy na sa Paris, France mismo ang shooting mula sa Viva Films at Spring Films.
Tinanong namin kay Direk Sigrid kung sino ang mas okay idirek, si Alessadra o Cristine? “Pareho silang magaling, proud ako sa kanila.”
Inulit namin ang tanong tungkol sa dalawang aktres kung sino mas okay ka-work, at “no comment” lang ang sagot nito.
As of now ay may six movies siyang kontrata sa Viva Films at nananalangin siya na sana’y matapos niya ang lahat ng ito. Hirit namin, “wala naman yatang time limit, puwede hanggang 2025.” Sagot niya, “Oo nga, kasi isang pelikula lang naman ako kada taon.”
Bakit nga ba ayaw niyang mag-teleserye? “Hindi ko kaya ang maramihang sequence na naghahabol ng airing. Hindi ko kaya ang 40 sequences a day or more, hanggang less than 20 lang ako. Kaya hindi ako yayaman kasi ayaw ko mag-teleserye.”
Aminado naman siyang malaki ang kita kapag serye at commercials, pero ayaw niyang isakripisyo ang pagdidirek kapalit ng malaking talent fee.
Anyway, palabas na ngayon ang “Untrue” sa maraming sinehan.