Aktor hirap maka-move on sa ex-dyowang tomador

HILING ng kanilang mga kaibigan ay maging magkaibigan pa rin sana ang isang showbiz couple na nagpakita nang matinding pagmamahalan nu’ng una pero nagkahiwalay din.

Sayang daw kasi kung mauuwi lang sa wala ang lahat dahil nagsimula naman sila bilang magkaibigan. Hindi naman sila biglang nagmahalan lang, meron silang magandang pinagsamahan, lalo na sa larangan ng walwalan.

Natatawang kuwento ng isang source, “Sa totoo lang, ‘yung hilig nilang uminom ang naging dahilan ng lahat-lahat sa kanila. Pareho kasi silang mahilig uminom, palagi silang nagkakasama sa nomo-nomo, kaya sila nagkatuluyan!

“Du’n nila nakilala nang husto ang bawat isa, naglabasan sila ng mga sama ng loob sa buhay, hanggang sa magdesisyon na nga silang bumuo ng sarili nilang mundo,” ayon sa impormante.

Nagkasundo silang talikuran ang kani-kanyang karera, wala silang ibang mundo kundi silang dalawa lang, talagang isinentro lang nila ang kanilang atensiyon sa bawat isa.
Sabi naman ng isang source, “Nagkaroon din siguro ng sawa factor sa relasyon nila. Imagine ba naman, wala silang ibang nakikita sa araw-araw kundi ang bawat isa lang?

“Hindi na sila nagtrabaho, itinuon lang nila ang attention nila sa bawat isa, bakit nga hindi sila magkakasawaan? Nakakaumay ang ganu’n, wala man lang silang naramdamang pagka-miss sa isa’t isa!

“Kaya ayun, one day, nauwi na sa wala ang pagmamahalan nila. Sayang, marami pa namang isinakripisyo ang guy, napakalaki ng nawalang opportunity sa kanya,” nanghihinayang na komento ng impormante.

Mabilis ang mga pangyayari, balitang meron nang bagong karelasyon ang female personality, hindi naman ganu’n kadaling makahanap ng bagong karelasyon ang magaling umarteng aktor.

Komento ng aming source, “Mas maagang makaka-move-on ang girl, ganu’n naman siya, mabilis makipagrelasyon pero mabilis din siyang makalimot.

“E, hindi naman ganu’n ang guy, matagal bago siya makipag-girlfriend uli, du’n nga lang sa sexy actress siya naakusahang nang-two-time, di ba?” pagtatapos ng aming impormante.

Bigay na bigay na kung sinu-sino sila, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, wala nang kailangang clue!

Read more...