Kampanya vs sugal may pinipili?

PUSPUSAN ang kampanya ng pulisya laban sa iligal na sugal.
Pag-upo ni Police General Archie Francisco Gamboa ay ipinag-utos niya ang crackdown sa lahat ng uri ng sugal.
At para maipakita na siya ay seryoso, inanunsyo niya ang one strike policy, meaning sibak agad ang mga unit commander na mabibigo sa kampanya.
Totoo naman na maraming operasyon ngayon laban sa ilegal na sugal. Kanya-kanyang pasikat ang mga police commander sa iba’t ibang lugar at parang may contest ng paramihan ng mahuhuli.
Ayos.
Kaya lang may isang miron na nakapansin. Bakit daw ang mga huli ay kalimitan ‘yung mga barya-baryang sugal? Huli ‘yung mga naglalaro ng tong-its na piso-piso ang taya. Kulong din ang mga naglalaro ng cara y cruz sa kanto.
At kumpiskado rin ang mga video karera machine. Pati tupada sa mga bakanteng lote hindi pinapalusot.
Pero nasaan daw ang huli sa jueteng?
Hindi naman daw maikakaila na buhay pa ang jueteng. May bola pa rin ang panay pa rin ang ikot ni manong sa bahay-bahay sa pagpapataya.
Nagkaroon tuloy ng bahid sa kanyang utak ang magandang kampanyang ito ng pulisya.
Para raw may pinipili ang kampanya laban sa sugal at exempted ang jueteng.
Ang dami na ring ginawang hakbang ng gobyerno para labanan ang jueteng pero wala pa rin. At para itong problema sa iligal na droga, hindi nauubos.
Kapag may nawawalang pusher, may pumapalit. Sa jueteng, kapag nawala ang kubrador may pumapalit din.
At kung may drug lord, meron ding jueteng lord.
May mga hakbang na ginawa ang Philippine Charity Sweepstakes Office upang matigil na ang iligal na sugal. Hindi kaya ng PCSO na mapatigil ang mga tumataya kaya hikayatin na lang sila na tumaya sa legal, kita pa ang gobyerno.
Pero ginamit din ito ng mga jueteng operators. Ang mga nagpapataya sa legal na bola ng EZ2, Perya ng Bayan at Small Town Lottery ay siya ring nagpapataya ng jueteng.
Minsan pati ang numerong tumama sa legal ay siya ring ginagamit ng mga iligal. Hindi na nga naman nila kailangang bumola pa at tsaka maaalis ang agam-agam na niloloko o dinadaya ang kanilang bola para walang tumama at ang panalo lang ay ang bangka.

Read more...