MAGANDANG araw po sa Bandera at sa Aksyon Line. Ako po ay nagtatrabaho bilang saleslady sa Manila at palagi po akong nagbabasa ng inyong pahayagan.
Minabuti ko po na sumulat at magtanong sa inyo dahil palagi po akong kinukulit ng aking auntie. Isa po siyang dating kasambahay at binayaran daw ang kanyang SSS ng kanyang amo.
Ngunit dahil sa tagal po ng panahon na nawalay siya sa kanyang dalawang anak ay nagdesisyon siya na umalis na bilang kasambahay at magtinda-tinda na lamang kahit paano.
Siya po ay 52 years old na sa ngayon at ayon sa kanya ay maayos-ayos naman ang kanyang mga paninda. Kaya nga po naisipan niya na ipagpatuloy ang kanyang pagbabayad sa SSS. Pwede raw po ba iyon at ano ang dapat niyang gawin?
Mula po sa dating kasambahay na may employer ay ano po ba ang dapat niyang gawin para maipagpatuloy po ang kanyang pagbabayad sa SSS? Ilang taon po ba ang kailangan sa pagbabayad para pagdating ng 60 years old ay makapag-pension na? Mahirap na rin po kasi na wala kang aasahan kapag tanda, lalo po sa tulad namin na sapat lamang ang kabuhayan at nakakaraos sa pang araw-araw na gastusin. Saan po ba pwedeng pumunta na SSS?
Sana ay agad na masagot ng SSS ang aking katanungan at para hindi na po ako kulitin ng auntie ko. Salamat po at may tulad n’yo na tumutulong sa amin o sa ibang may gustong malaman o may problema sa mga dapat naming gawin o masagot ang katanungan.
Eto po ang SSS number ng auntie ko
34… Salamat po muli. Leilanie Paraan.
REPLY: Magparehistro po siya bilang self-employed member. Kailangang mag-fill-out ng SSS Form E-1 at ideklara sa naturang form ang kanyang buwanang kita.
Para ma-qualify sa pension, kinakailangan na makabuo siya ng 120 buwanang hulog bago makapagretiro. Sa kasalukuyan kasi ay SSS number pa lamang ang kanyang kinuha sa SSS at hindi pa ito nahuluguhan noong siya ay kasambahay pa.
Sa pagiging SSS member, makakakuha na siya ng mga benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, unemployment, pagreretiro, pagpapalibing/pagkamatay. Maaari rin siyang makahiram ng salary, calamity at educational loan assistance, atbp.
Maraming
Salamat.
Ces
Maria Cecilia F. Mercado
Social Security Officer IV
7/F, Media
Affairs Department
SSS Building, East Avenue, Diliman,
Quezon City
Tel No. 8924-7295/VOIP 5053
SSS contribution gustong ituloy
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...