Tennis sa langit

MINSAN ay nakalaro ko ng tennis si Fr. Fernando Suarez.
Nabigyan ako ng pagkakataon to ‘‘trade shots’’ with the healing priest sa Subic Bay Yatch Club dahil na rin sa tulong ng isang kaibigan na respetadong sportsman-businessman.
Aaminin kong isa akong tagahanga ng Batangueñong pari sapagkat nakita ko ang kanyang pagpapagaling sa mga maysakit at malimit ko siyang panoorin sa You Tube. ’’Laughter is the best medicine.’’
Iyan ang palaging sinasabi ni Father Suarez na hindi napapagod na idiin na instrumento lamang siya ng Poong Maykapal. Ang kanyang paggagamot ay regalo ng Diyos at dapat lang na huwag itong ipagdamot sa mga nangangailangan, aniya.
Ang masakit ay naging biktima ang butihing pari ng ‘‘black propaganda’’ at ilang taon din siyang nagdusa bago sabihin mismo ng Vatican na wala siyang kasalanan.
Habang siya ay nakikipaglaban sa katotohanan ay nanatiling matibay ang kanyang paniniwala na hindi siya pababayaan ng Diyos at magwawagi ang katarungan.
Ipagpapatuloy na ni Father Suarez ang kanyang misyon ngunit sadyang ‘‘God works in mysterious ways’’ at maagang binawi ang pinahiram na buhay sa kanya.
Hindi kami umubra (doubles match) kay Father Suarez at Father Jeff sa aming sagupaan noon at natitiyak kong masaya na siya sa piling ng Poong Maykapal ngayon.
Isa ako sa mga nagdalamhati sa kanyang pagpanaw ngunit alam kong patuloy siyang maglalaro ng tennis sa langit.
Rest in peace, Father Do.
Kapuri-puri ang PCCL
Hindi araw-araw na mapapanood natin ang salpukan ng mga kampeon sa collegiate basketball.
Alam naman nating may kanya-kanyang liga ang mga iskul at hindi maitatanggi na may kanya-kanyang layunin ang mga taga-organisa ng torneyo.
Karamihan ay nagsasabing ang layunin ay upang patibayin ang pakikipagkaibigan, pasayahin ang mga basketball fans, alisin ang pagkainip sa loob ng mga silid-paaralan o kaya naman ay gawing tungtungan ng mga atleta ang mga liga tungo sa mas mataas na antas na kumpetisyon.
Totoo naman ang lahat ng ito.
Ang hindi nga lang nababanggit ay malaking negosyo rin naman ang mga liga. Ibig sabihin, kung sikat ang liga ay kumikita sa takilya ang mga tuld ng UAAP, NCAA at marami pang iba. Tulad din ito ng isang pelikulang blockbuster na may drama, aksyon ay suspense.
Wala naman akong nakikitang masama dito. Ang pangit nga lang ay kung mapasukan ng kademonyohan ang mga utak ng mga manlalaro dahil na rin sa kislap ng salapi at tagumpay.
At siyempre pa, dahil na rin sa pagiging ‘’highly-popular’’ ng isang paligsahan ay tila lumalaki na rin ang ulo ng mga nasa likod nito at tuloy nakakalimot (o sinasadyang kalimutan) ang nahalagang tungkulin na ginawa at ginagawa ng mga mamamahayag upang mapanatili ang kasikatan mng kanilang mga liga.
(Tanungin nyo ang mga gigil na photo-journalists na kumukober ng mga laro ng sikat na liga!)
Kaya naman nais kong papurihan ang mga utak sa likod ng Philippine Collegiate Champions League (PCCL) sapagkat nagawa nilang ipagpatuloy ang liga na mag-reresulta sa salpulan ng pinakamahuhusay na koponan sa kolehiyo sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Huwag kalimutan na umabante na sa Final Four mula sa NCR UAAP-NCAA Challenge ang mabunying Ateneo Blue Eagles at ang San Beda Red Lions.
Pinakita ng Ateneo (bagamat wala na ang mga gaya nina Isaac Go at Thirdy Ravena) ang kahandaan na patagalin pa ang paghahari sa UAAP cage wars matapos talunin ang San Beda, UST at NCAA champion Letran, samantalang nagwagi ang Red Lions sa Tigers at Knights upang makakuha ng tiket sa Final Four.
Pasok na rin mula sa Luzon ang UP Maroons, samantalang hinihintay pa ang aabante mula sa Vis-Min. Noong nakaraang taon ay tinalo ng Ateneo ang University of Visayas sa final game.
Kaiba sa ibang mga liga ay hindi negosyo ang unang konsiderasyon na ginawa ng mga pasimuno ng PCCL. Nais ni Boss Rey Gamboa at ng kanyang mga kasama (kabilang si MVP) at ang PSC na ipakita sa madlang pipol ang pinakamahuhusay na basketbolista mula sa kolehiyo.
Ang pinag-uusapan dito ay karangalan at hindi kaperahan. Hind naman lahat ay puwedeng magsabi na kabilang ka sa pambansang kampeon ng collegiate basketball.
Bragging rights, ika nga na puwede mong sabihin sa yong pamilya, sa iyong mga kaibigan, sa iyong apo at iba pa.
Makukuha ng kampeon ang President’s Cup mula sa Philippine Sports Commission at ang Manny V. Pangilinan Trophy na mula naman sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Tunay na kapuri-puri ang PCCL ay nawa’y huwag magsawa ang mga mastermind na gawin ito taon-taon.

 

 

Read more...