NASAWI ang 23-anyos na estudyante dahil umano sa hazing ng fraternity, sa Bulan, Sorsogon, nitong Linggo, ayon sa pulisya.
Dinala pa sa ospital si Omer Despabiladeras, residente ng Brgy. Zone 4, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Sorsogon provincial police.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na sumailalim si Despabiladeras sa “initiation rites” ng Tau Gamma Phi Fraternity-Bulan Chapter sa Sitio Banase, Brgy. San Vicente, dakong alas-10 ng umaga.
Dakong alas-4 ng hapong iyon, bigla na lang umano siya nabuwal kaya dinala nina Rembrant Gerolao at Ulysis Berania sa Pantaleon Gotladera Memorial Hospital, kung saan siya idineklarang patay.
Kinaakitaan si Despabiladeras ng mga hematoma o matinding pasa, sa mga hita, likod, at iba pang bahagi ng katawan, ayon sa pulisya.
Sinusuri pa ang kanyang mga labi para matiyak ang sanhi ng pagkamatay.
Isinailalim naman sa kostudiya ng pulisya sina Gerolao at Berania, habang nagsasagawa ng karagdang imbestigasyon sa insidente.