MISMONG si Health Secretary Francisco Duque III na ang nagsabi na hindi maiiwasan ang local transmission ng novel coronavirus (COVID-19) kung saan nagkakaroon ng hawaan kahit ang mga nakatira sa Pilipinas na hindi nagbiyahe sa China at iba pang bansa na may kaso ng nakamamatay na virus.
Ayon pa kay Duque ang hindi na lang tiyak ay kung kailan mararanasan ang local transmission.
Bagamat tiniyak ni Duque na handa ang gobyerno sakaling magkaroon ng local transmission, dapat ay makiisa ang lahat para wag nang mangyari ang pinangangambahan ng lahat.
Sundin ang payo ng DOH na ugaliing maghugas ng kamay at maglagay ng alkohol at iba pang disinfectant.
Iwasan din ang pagbahing ng hindi tinatakpan ang bibig at ilong at kung maaari ay magsuot ng face mask sakaling may respiratory issues.
Umiwas din sa mga matataong lugar.
Para sa mga nagbiyahe sa mga bansang may kumpirmado nang kaso ng COVID-19, magkusa nang mag-self quarantine bilang pagpapakita ng pag-aalala sa mga taong maaaring mahawahan.
Hindi tayo pamilyar sa COVID-19 kayat hindi masama na gawin natin ang nararapat para sa kaligtasan natin at ibang mamamayan.
Naghihigpit ang mga tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor at ito’y kinakailangan kung nais nating magwagi sa kampanya kontra COVID-19.
Sa Palasyo, lahat ng pumapasok na bisita, empleyado at maging miyembro ng media ay sumasailalim sa health declaration.
Dito tinatanong ang isang tao kung nagbiyahe sa ibang bansa, nagbakasyon sa mga lugar na may kaso ng COVID-19, kung nagkaroon ng respiratory problem sa nakalipas na 14 na araw.
Bukod pa rito, kinukuha ang temperatura ng lahat ng pumapasok at pinapauwi ang mga may lagnat.
Sa unang tingin ay medyo hindi katanggap-tanggap ngunit sa harap ng napatinding banta ng COVID-19, pinapayuhan ang lahat na ito’y para sa kaligtasan ng buong bansa.
Kabilang sa mga bansang may mga kaso na ng local transmission ang Singapore, Germany, France at Japan.
Nangangahulugan ito na posibleng nakuha ng mga tao ang virus sa pagsakay sa pampublikong transportasyon, pagkain sa isang restaurant o kahit ang pagpunta lamang sa mall.
Hindi dapat padaig ang bawat isang sa takot, kundi dapat armasan ang sarili ng kaalaman kung paano malalabanan ang pagkalat ng COVID-19.
Kung sa palagay mo ay nagawa mo nang lahat para hindi ka tamaan ng COVID-19, ipagdasal na lang natin na magagawa ng ating gobyerno na sugpuin ito at gabayan tayo na malampasan ang pagsubok na ito sa buong mundo na dulot ng coronavirus mula sa Wuhan, China.
Banta ng COVID-19 hindi dapat balewalain
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...